Monday, December 15, 2014

5 Steps kung paano yumaman sa panahong ito

Marami ang sa ating mga kababayan ang mula sa hirap ay nakaahon at naka-angat sa kanilang mga miserableng kalagayan. Mahirap na naging mayaman. Siguro dahil na rin sa pagsisikap, tiyaga, pagnanakaw, paghimod sa tumbong ng mga nakatataas, atbp. Mabuti o masama, kanya-kanyang diskarte lang kumbaga.

Pwede ka ring yumaman sa mabuting paraan. Sigurado akong marami sa atin ang yumaman dahil sa sikap, sakripisyo at tiyaga. Pero mahirap ang landas na ito. Merong mas madaling landas. At ito ang sinunod ng mas nakararami.

Dito nakabase ang mga babanggitin kong steps ng pagpapayaman. Garantisado itong mga shit na ito kung paano maging tabatsoy sa panahong nagugutom ang karamihan.

1. Walang prinsi-prinsipyo
Tangina mamamatay kang dilat kung paiiralin mo ang prinsipyo mo, lalo na kung nakabase ito sa kabutihan at katarungan. Isipin mo na lang, dapat sana mahirap pa sa daga ang mga senador ngayon kung dito nakabase ang mga prinsipyo nila sa buhay. Sa unang pagkakataon na makokompromiso ang prinsipyo mo kapalit ng pera, sunggab agad sa pera. Ganyan ang mga mayayaman. Wag mo nang isipin ang mga masasagasaan mo, wag mo nang isipin ang mga kahihinatnan ng iba, wag mo nang isipin kung makakatulog ka sa gabi dahil sa ginawa mo. Isipin mo na lang mas masarap matulog kung naka-aircon ka.

2. Walang kama-kamag-anak
Talikuran mo sarili mong kapatid. Putangina yan ang susi sa tagumpay. Isipin mo palagi sarili mo lang. Kung inaabot ng sunod-sunod na kamalasan at problema ang ka-dugo mo, hayaan mo siya. Wag mo nang dagdagan pa ang stress level mo nang dahil lang sa kanya. Kesehodang kapatid mo pa siya, magulang, pamangkin, anak, o kung sino mang makakahatak sa yo pababa, kung pwede lang saksakin mo sa puso para wala ka nang hasel. Wag na wag mong kakalimutan na yang mga kama-kamag-anak na yan, sa papel lang yan, dahil pareho kayo ng apelyido. Sarili mo pa rin dapat ang isipin mo. Isipin mo paano ka magkakaroon ng magandang bahay at maraming sasakyan. Kung ano ang sa yo, sa yo lang dapat. Fuck those motherfuckers!

3. Walang kai-kaibigan
Putangina yung sarili mo ngang kapatid pinabayaan mo, yun pa kayang kaibigan mo lang? Isipin mo palagi ito: kanya-kanya tayo sa buhay na ito. Bahala ka sa buhay mo, bahala rin ako sa buhay ko. Kung may tropa kang tagilid ang lagay, tangina problema nya yan. Wag na wag mong tutulungan. E ano kung magutom ang mga anak niya dahil nawalan siya ng trabaho? Anak niya yun, hindi sa yo. Bakit mo tutulungan di ba?  Fuck those motherfuckers. Isipin mo palagi yung sarili mo. Isipin mo palagi kailangan mong magkaroon ng magandang bahay at maraming sasakyan.

4. walang kapwa-kapwa
Punyeta ano mapapala mo sa pakikipag-kapwa-tao? Wala. Ano mapapala mo sa paggawa ng kabutihan? Wala. Tingnan mo ang mga mayayaman, ang mga malalaking kapitalista. Wala silang konsepto ng pakikipagkapwa. Kaya nga sila mayaman e. Iniisip nila palagi, sarili nila. Yan ang sekreto mga tsong. Maging swapang ka sa kapwa mo. Wag mong isipin yung mga hampaslupang naghihikahos, yung mga batang nagugutom, yung mga sinagasaan ng sistema. Ganyan na ang sistema at di mo kasalanan yan. Kaya wag mong problemahin. Isipin mo na lang halimbawa ang GMA Network na nagsasabing "kapuso" natin sila. Gawain ba ng isang kapuso ang pagsasamantala sa mga manggagawa't empleyado? At pinoprotektahan pa ng gobyerno. Kase nga mayaman. Kung mayaman ka, lahat ng ginagawa mo "mabuti" at "tama".

5. Walang diyos-diyos
Kung may takot ka sa Diyos, hindi ka yayaman. Kase bago ka umiskor ng magarang bahay at sasakyan, bago ka magpaka-bundat, iisipin mo muna yung mga mas basic ang pangangailangan di ba? Yung mga walang pambili ng pagkain, mga walang matirhan, mga walang pampagamot, etc. Kase nga maka-Diyos ka. Kaya dapat ang pagiging "maka-Diyos" mo, palabas lang. Kumbaga parang pandagdag lang ng pogi points para mas lalo kang yumaman. Kapag sinunod mo nang makatotohanan ang mga pangaral ni Kristo, tangina baka maipako ka lang sa krus.

Kaya kung gusto mong yumaman, sundin ang mga limang garantisadong steps na ito. Pagiging mayaman ha? Ibang usapin pa kung gusto mong maging masaya.

Kase ako, sa awa ng Diyos, umabot ako sa edad kong ito nang walang sinunod sa kahit na ano sa itaas. Iyon ay dahil hindi ko naman hinangad na yumaman. Mas trip ko maging masaya. Yun bang masarap ang tulog ko sa gabi.

Kahit walang aircon.


-Norman Wilwayco

1 comment:

  1. Anonymous11:53 PM

    Walang makakapantay sa angas neto, sir Iwa.

    -TPC

    ReplyDelete

Translate this shit