Tuesday, September 10, 2013

Maikling Kuwento

Kababayan
By Norman Wilwayco


Toongabbie / 11:30 PM

Kapipikit ko pa lang nang mag-vibra ang cell ko. Si Alex. Bakit kaya tumatawag tong mokong na to? Sinipat ko ang maliit na alarm sa bedside table sa tabi ng kama, alas-onse na ng gabi. Maaga pa ang pasok ko bukas. At tangina mababadtrip sa akin si Waray kapag napansing puyat na puyat ako sa trabaho. Tangina baka kung ano na namang kahayupan ang marinig ko sa tarantado.
Maya-maya’y natahimik din ang cell. Sa wakas, makakatulog din.
Vibra ulit. Text naman ngayon. Si Alex.
—Gumising ka. Dadaanan ka namin ni Rey. On the way na kami.
Tangina. Hindi ba naiintindihan ng mga bum na ito na nagtatrabaho ko? Na may pasok ako bukas? Na hindi pwedeng inaantok ako sa trabaho dahil maaaring ikamatay ko?
Sinagot ko ang text.
—Pass muna ko kung ano man ang balak nyo. Maaga pa pasok ko buykas tol. Goodnyt.
Sumagot.
—Ok. Naalala ka lang naman kasi namin dahil may weed kami.
Napabalikwas ako ng bangon. Nawala ang antok ko. Ilang buwan na ba kong hindi chumochongki? Mula nang dumating ako ng Sydney, siyam na buwan na ang nakalipas, hindi man lang nakaranas lumanghap ng ganja ang lalamunan ko. Tangina kase, ang hirap humanap ng source dito sa bansang to. Lahat ng Pinoy na nakilala ko rito, lahat sila puro straight. Kunsabagay, nagpunta sila dito, nakipagsapalaran, para magtrabaho at hindi para chumongki. Pero kahit na. Tangina badtrip kung walang weed.
Sinagot ko ang text.
—Sige sama ko. Wait nyo ko sa baba.
Mabilis akong naghilamos, nagsuot ng pantalon at nagsapatos. Palabas na ng pinto nang maalala ko ang jacket ko. Balik ako sa kuwarto at kinuha ang jacket.
Tahimik ang buong building habang binabagtas ko ang driveway palabas. Nagsindi ako ng yosi at naupo sa mamasa-masang bench  sa may park na katabi ng tinitirhan kong building.
Nagtext ulit si Alex.
—5 mins.
Di na ko nagreply. Badtrip ako kase maghahatinggabi na at may pasok pa ako bukas. Yung mga katulad kong mga nagtatrabaho, kanina pa mahimbing ang mga tulog sa kani-kanilang mga haybols. Samantalang ako, heto’t nakaupo sa park, dis-oras ng gabi, at hinihintay ang dalawang bugok na Pinoy na sa kawalan ko ng kaibigan, sinasakyan ko na rin.
Tangina bahala na sa trabaho bukas. Tanginang Waray yon. Kung makasigaw daig pa ang boss naming Australian. Hayop sa kayabangan ang putangina. Matindi ring manlait ng kapwa. Mga kapwa niya ring Pinoy ang kaya niyang pagtripan.
Naputol ang pagmumuni-muni ko nang bumusina si Alex. Tinabi niya sa park ang Mazda niyang pula. Tumayo na ko ng bench, pinitik sa lupa ang yosi at sumakay ng kotse.
—Pre kumusta, bati ni Rey.
Siyempre, magkasama palagi itong dalawang hipping-kulelat na mga ito. Kulang na lang magsalsalan ng burat ang mga putangina.
Matapos ang mga apiran, kumustahan at mabababaw na balitaan dinirekta ko na ang dalawa.
—Well?
—Well what?
—Sabi nyo meron kayong weed? Sindi tayo.
—Ahh. Hehe. Wag kang sobrang excited tol. Kukunin pa lang natin yung stash.
Medyo kinabahan ako. Kaya lang ako sumasa sa mga kulelat na to dahil sabi nila meron silang weed. Kung wala naman pala, nagsayang lang ako ng pagod, nagpuyat lang ako, putangina walang ka-kwenta-kwentang shit.
—Pucha. Meron ba talaga tol o wala? Sabihin nyo na habang di pa tayo nakakalayo.
—Hahaha. Meron tol, relax ka lang. Kukunin natin.
Ilang minuto akong tahimik sa likuran habang nagtatalo ang dalawang kupal kung saang istasyon ng radyo makikinig. Pumasok kami sa Great Eastern Highway.
—Saan tayo?
—Sa Chatswood.
—Sa Chatswood? Putangina ang layo naman tol.
Ito na nga ba ang sinasabi ko. Tangina bakit ba napaka-ilap ng weed dito sa bansang ito na naturingang sagana sa lahat ng biyaya.
—So may kilala kayong dealer sa Chatswood?
—Hahaha. Hindi tol. May tropa tayong susunduin doon. Kakalabas lang ng hospital at nakikiusap na magpasundo.
—Sinong tropa?
—Si Stan. Matagal na naming kakilala ni Rey. Pinoy din tol, Kapampangan. Matagal na rin siya dito sa Sydney, mga twelve years na.
—Hindi lang, bro. kase nauna pa siya sa akin ng two years eh.
—Ilang years ka na ba dito, Rey?
—Thirteen years na. So si Stan mga fifteen years na dito sa Australia yun.
Nagtalo pa ang dalawang kupal sa mga detalye ng tropa nila pero di ko na inintindi. Nanalangin na lang ako na sana, kung sino man itong Stan na to, sana may chongki itong Kapampangang ito.
—Pre, okey din tong tropa na to, si Stan.  Hirit ni Rey.
—Barkada namin siya dati pa.
—Paulit-ulit tayo tol, punatahan na lang natin.
—Hindi explain lang namin sayo ng konti.
—Nakasama namin siya dati sa Cisco. Ang taas ng katungkulan niya dati tol. Senior VP na siya kaso nasira ang buhay.
—Dahil sa drugs?
—Hindi tol. Niloko ng babae. Nagka-girlfriend ng Pinay tol tapos pinerahan lang siya.
—Andito rin yung Pinay?
—Nasa Pinas tol, pinapadalhan niya lagi ng pera. Tapos yun nga, may asawa na pala.
—Kawawa naman.
—Ang tanga-tanga naman niya.
Nagsindi ako ng yosi. Walang nagawa si Alex kundi patayin ang aircon at buksan ang mga bintana ng sasakyan. At dahil nagyoyosi na ko, nagyosi na rin sila ni Rey.
Ilang minuto kaming tahimik sa loob ng humahagibis na sasakyan. Halos masolo namin ang malapad na highway papuntang City.
—Itong tropa nyo, itong si Stan, wala siyang sasakyan?
—Wala tol. Sabi ko nga sa yo, nasira ang buhay niya. Dati may Nissan siya at Ford.
—Nakuha na ng bangko tol. Pati bahay niya, na-foreclosed.
—Naging pabaya sa trabaho kaya nasibak.
—Dating VP sa Cisco, ngayon alam mo kung ano trabaho niya?
—Drug dealer?
—Hahaha. Hindi tol. Hindi siya dealer, user lang. Hahaha.
—Eh ano nga ang trabaho niya ngayon?
—Hulaan mo.
—Bugaw? Macho dancer?
—Hahaha!
—Hindi tol. Telemarketer ng Voda.
—Part-time lang yata kase mukhang di na niya rin kayang sumubsob sa trabaho. May tama na yung katawan eh.
—Two months ago tol, muntik na siyang matuluyan. Multiple organ failure. Marami na kasing tama sa katawan.
—Anong tama? Saan?
—Marami na. Sa puso, sa baga, sa kidney, sa arteries, basta marami.
—Tipong isang bulate na lang ang di pa nakakapirma. You know what I mean?
—Ok wala siyang sasakyan. Bakit di siya mag-taxi?
—Wala siyang pang-taxi tol. Walang pera yun, naghihikahos na nga eh. Kaya nga tumawag sa akin, nakiusap, nagpapasundo. Kakalabas niya lang galing hospital.
—Makulay ang buhay ni Stan, tol. Gusto mo, ikaw na lang ang magtanong ng mga details sa kanya mismo mamaya.


Chatswood / 12:30 AM

Mauubos na tong pangalawang beer ko, wala pa rin si Stan. Tanginang motherfucker. Shit, madaling araw na, maya-maya lang kailangan ko na pumasok. Di ako pwedeng umabsent dahil yari ako sa putanginang bisor kong Waray.
Kanginang pagdating namin ng Chatswood, pa-diretso na ndapat kami sa ospital nang makatanggap ng text si Alex galing kay Stan. Wag na daw kaming tumuloy sa ospital. Magkita-kita na lang daw kami sa pub sa tabi ng train station, dahil di pa raw siya kumakain, at gusto niyang tikmana ng sikat na wagyu burger ng naturang pub.
Kaya heto kaming parang tatlong itlog, nakaupo sa bar at hinihintay ang pgdating ng dakilang tropa.
Inubos ko ang laman gn baso ko at nagpaalam sa dalawa.
—Bababa lang ako sa Seven-eleven, bili lang ako ng load.
—What/
—Load. Credits sa phone.
Nagmadali akong bumaba, asar na ko at baka kung ano pa ang masabi ko sa dalawang kupal.
Kailangan kong bumili ng Voda credits. Maya-maya lang, gising na si mama sa Pilipinas at pwede nang tawagan. Tangina dapat nag-skype na lang kami kesa ganito, tangina ang gastos. May dalawang teenager na nagbu-busking sa labas ng Seven-eleven, kinakanta ang kanta ni Gotye. Isang bokalista at isang gitarista. Sa paanan nila, nakabukas nag case ng gitara at marami-rami na rin pala silang mga taong nautong magbigay ng pera.
Pasok ng tindahan, iskor ng yosing katumbas na ng presyo ng owner-type jeep sa Pinas, bili ng twenty dollars na Vodafone credits, sabay labas ng tindahan.
Nasa labas na sina Alex at Rey at may kasama silang may mga bandage sa mukha. Malamang ito na si Stan.
Pakilanlanan.
—Pare, si Stan, tropa natin.
—Pre, si Tony, QC-boy. Bagong salta dito sa Land Down Under.
—Nice meeting you, bro. Kailan ka pa dito sa Sydney?
—Nine months.
—Ah bago pa lang pala.
—Mamaya na natin ituloy to, sa sasakyan na lang kayo magkuwentuhan at mahaba pa ang biyahe natin.
Naglakad kami, tumawin ng train station, sa kabilang kalye, Love St., doon nakaparada si Alex. Malayo ang nilakad namin, mga dalawang bloke rin dahil kuripot magbayad ng parking fee itong si Alex.
Sa wakas, narating din namin ang sasakyan. Nang binabaybay na namin ang kalsada palabas ng highway, biglang humirit si Stan.
—Bro, pwede bang punta muna tayo ng city?
Medyo nairita na si Alex sa puntong ito. Antok na rin siguro si loko, lalo pa’t nakainom na kami ng beer sa pub.
—Akala ko ba bro sa Paramatta ka tumutuloy?
—Oo nga. Kaso may mga gamit pa kase ko dun, gusto ko sana daanan na tutal may sasakyan. Share na lang ako sa gas.
Humirit na ko, di nakatiis.
—Tol, may weed ka? Sindi tayo.
—Nasa bahay tol. Pagdating natin, sisindi talaga tayo.
—Ano, Alex okey lang ba? Daan tayo ng city?
Bumuntong muna nang malalim si Alex bago sumagot.
—Okey. Saan sa City?
—Sa Maroubrar Beach.
—Ha? That’s thrity minutes away from the City. Sa opposite direction.
—Okey lang ba Alex? Rey? Share na lang ako sa gas bro.
—Kailangan talaga nating daanan? Ala-una na eh.Si Tony may pasok pa yan bukas. Shit, mamaya na pala yun.
Tumingin sila sa akin, ako pa ang isinangkalang ng mga putangina.
—Okey lang sa akin basta magcho-chongke tayo mamayang pagkatapos.
—Sure! Tara na bros! Step on it!
Nagkatinginan si Alex at Rey. Pinaharurot ni Alex ang sasakyan.


Maroubra Beach / 1:45 AM

Mahigit thirty minutes na kaming nakatambay sa labas ng isang modernong building. Nasa parking lot kami naghihintay. Tanginang Stan to, sa loob-loob ko. Hindi rin makapal ang mukha ng hindot na Kapampangang to. Kaninang pagdating namin dito, sabi niya maghintay na lang daw kami sa sasakyan at siya na lang ang papanhik ng apartment.
—Sino katulong mong magbubuhat?
—Ako na lang bro, kaya ko na yun, isang bag lang naman.
—Sure ka?
Oo, bro. Sige diyan na lang kayo. I’ll be back in five minutes.
Five minutes my ass. Five minutes ang sinabi pero heto’t mahigit kalahating oras na kaming naghihintay dito, ni anino ni Stan wala pa rin. Hindi naman matawagan ni Alex dahil walang signal sa kinalalagyan namin. Natatakpan kase kami ng nagtatayugang mga apartment buildings.
Pakiramdam ko, nagyeyelo na ang yagbols ko sa ginaw. Mukhang malabo na yata akong makahitit ng chogki ngayon. Napabuntong-hininga na lang ako.
—Uwi na tayo.
—Bigyan natin ng another ten minutes. Pag wala pa, bahala na siya sa buhay niya.
Lumipas ang labinlimang minuto. Pina-andar na ni Alex ang sasakyan, sisibat na kami.
Biglang bumukas ang pinto sa likod at sumakay si Stan. Di namin namalayan ang paglabas niya ng gusali at paglapit sa sasakyan.
—Soryy it took so long, guys.
—Ba’t ang tagal-tagal mo? Alis na dapat kami eh.
—Sorry, tulog na kasi yung friend ko eh. Naka-lock yung kuwarto. Di ko na rin tuloy nakuha yung gamit ko.
—So useless tong pagpunta natin dito?
—Parang ganoon na nga. Sorry guys. Share na lang ako sa gas.
Binarurot ni Alex ang sasakyan palabas ng parking lot, hindi na tinago ang pagkayamot. Mahigit kalahating oras naming binaybay ang daan palabas ng Maroubrar at papasok ng City. Tapos nito, magha-highway na kami papuntang Paramatta.
Nasa Harbor Bridge kami nang may tumawag kay Stan. Panay “yes” at “ok” ang binubulong niya sa telepono. Hininaan ni Alex ang volume ng stereo.
—Guys.
—What now?
—We have to go back.
—Go back where? Sa Chatswood?
—No. Sa Maroubrar.
—Bakit?
—Kailangan ko talagang kunin yung gamit ko eh.
—Ano ba yung kukunin mo?
—Yung gymbag ko. Naka-pack na yun eh.
—Akala ko ba tulog na yung pupuntahan mo doon?
—Kanina yun. Eh gising na siya eh. Siya yung kausap ko sa cell just now.
—Pare super-late na.
—Sige na please. Mayayari na naman ako kapag di ko yun nakuha.
—Mayayari? What the fuck?
Biglang pumreno si Alex sa gitna ng kalsada. Pumihit at humarap kay Stan.
—Stan, pare, what’s going on?
Balisa si Stan, di makasagot, di makatingin sa amin ng diretso. Inulit ni Alex ang pagtatanong. Malakas na ang boses.
—Stan. What the fuck is going on?
Bumaba ng kotse si Stan at naglakad palayo. Bumaba din si Alex at hinabol si Stan, nag-usap sila sa malayo. Naiwan kami ni Rey sa sasakyan.


Harbor Bridge / 2:0 AM

Di na yata matatapos ang pagtatalo ng dalawa. Para silang mga bading na nagbubungangaan. Samantalang nakahambalang ang sasakyan namin sa gitna ng kalye. Kapag nadaanan kami ng mga parak dito, yari kami pare-pareho. Nakaupo pa rin kami ni Rey sa loob ng kotse, nagyoyosi
Makalipas ang mahabang mga sandali, pabalik na sila. Nang makasakay, walang kibong pinaandar ni Alex ang sasakyan.
—San tayo?
Walang sumasagot sa tanong ko. Nakatingin sa labas ng bintana si Stan. Inulit ko ang pagtatanong.
—San tayo?
—Sa Maroubrar.
Putangina, sa loob-loob ko. Putangiang lakad ito.


Maroubrar Beach / 3:15 AM

Nasa parking lot uli kaming tatlo, hinihintay si Stan na mag-isang umakyat ng apartment.
Mula sa kotse, tanaw namin ang paglalakad ni Stan papasok ng building. Nang makapasok na ito, saka lang nagsalita si Alex.
—Putangina! Badtrip!
—Bakit?
—Tangina alam nyo ba kung ano kukunin ni Stan dito?
—Ano?
—Tangina! Cocaine!
—Cocaine? What the fuck!
—Tangina nag-confess sa akin si gago.
—Ano daw?
—Courier siya ng mg bikie. Yung cocaine na kukunin niya rito, sa mga bikie yun.
—What the fuck?
—Pucha. Nilagay niya tayong lahat sa panganib. Pag tayo na-checkpoint at naamoy ng aso, patay tayo pare-pareho.
—Eh bakit ka pumayag? Iwan na natin siya dito.
—Eh papatayin daw siya ng mga bikie kapag di niya naibigay bukas. O mamaya dahil umaga na.
Tara na tol, wag na nating hintayin si Stan.
—Hindi, ihatid na natin. Naka-oo na ko eh. Just this once.
—Kaya ba nating i-risk na magdala tayo ng drugs? Paano kapag naharang tayo ng checkpoint?
Tahimik si Alex, tinatantya kung ano ang magandang gawin. Maya-maya, pinaandar niya ang sasakyan. Nagkatinginan kami ni Rey. Umusad na ang sasakyan palabas ng parking lot.
Bago pa man kami tuluyang makalabas, bumukas ang pinto at sumakay si Stan. Di na naman namin namalayan ang paglapit niya. Dala niya ang isang gymbag.
—Alright boys. On to Parramatta!
Sa wakas, makakauwi rin, sa loob-loob ko.





Paramatta / 4:40 AM

Nasa kusina kami ng apartment na inuupahan ni Stan. Aniya may housemate siya pero wala doon ngayon, nagsu-surf sa Kuji Beach. Pinakain kami ni Stan ng nilagang baka na walang kalasa-lasa dahil ayon sa kanya, masama sa kanya ang mag-asin.
Punta kami ng terrace para magsindi ng chongki. Nag-roll si Stan ng isang blunt at humitit ng malalim, sabay pinasa niya kay Alex, na pinasa naman kay Rey, at pagkatapos ay sa akin.
Nanginginig ang kamay ko nang tanggapin ang umuusok na joint. Siyam na buwan. Putangina siyam na buwan akong nagtiis. Humitit ako nang malalim, inipon sa baga ang usok at saka bumuga sa ilong nang dahan-dahan. Nagkanda-ubo-ubo ako  sa lakas ng tama ng hydro-ganja.
Nang maubos ang joint, bagsak agad ang dalawa kong kasamang may bahug. Plastado sa couch si Alex at si Rey naman, sa carpet sa sahig basta na lang humilata. Naiwan kami ni Stan sa terrace at nag-roll siya ulit ng blunt.
—Tol, dati ka daw VP sa Cisco?
—Oo tol.
—E ngayon?
—Telemarketer sa Vodafone.
—Ano nangyari?
—Eh may nakalokohang babae. Nasa Pilipinas. Nakilala ko lang sa Internet.
Tangina, naisip ko. Sobrang wala ka bang mga sirkulo ng mga tropa para sa Internet ka humanap ng syosyotain? Tangina mas okey pang magkamot ng bayag kesa makipag-usap sa ungas na ito. Pero dahil may free shit ka, pagtiyatiyagaan kitang kausapin.
—Niloko lang ako tol. Padala ko nang padala ng pera. Two hundred dollars a week, walang sablay, for four years. Para makatulong na rin sa pag-aaral niya.
—Tangina niya yun pala may asawa na siya. Fuck.
—Na-depressed ako tol. Nawala ng gana pati sa trabaho. Na-hook sa drugs. Heto ko ngayon. Walang-wala. Kaya nang-ha-hasel ng mga tropa.
—Sindi pa tayo, tol.
—Sige lang. mag-roll ka kung gusto mo. Marunong ka bang mag-roll?
—Pre, anong klaseng roll gusto mo. Gusto mo cross-joint?
—Hahaha. Gusto ko blunt.
—Blunt it is.
Nag-roll ako ng blunt, mas mahigpit at pulido kesa sa roll niya. Sinindihan ko’t pinasa sa kanya. Mula sa sala, dinig namin ang magkakambal na hilik ng dalawa. Tangina mga walang binatbat ang puta.
—Magkano naman kinikita mo sa drug trafficking?
—Hahaha. Kuryer lang ako tol. Okey na rin ang bayad.Halimbawa, itong dala-dala ko, ang bayad sa akin dito eight hundred dollars.
—Pwede na pandagdag sa kita. Kase part-time lang din ako sa Voda kaya three-fifty lang ang kinikita ko doon per week.
—Tangina malaki pa kinikita ko sa yo.
—Ano ba trabaho mo bro?
—Painter.
—Painter as in murals? Mga paintings, artwork, ganun?
—Hindi tol. Painter as in brush at roller at scaffoldings at safety hat.
—Ah. Painter ng mga bahay?
—Bhuildings, hotels, bahay, lahat na.
—Wow. Dati ka nang painter sa Pilipinas? Yun talaga ang work mo doon?
—Dehin tol. Web designer ako sa Pilipinas. Dito na lang ako sa Sydney natutong humawak ng brush at pintura?
—Wow. Kumusta naman ang sweldo? Okey naman?
—Yup. Kahit papaano, nakakapagpadala naman sa mga mahal sa buhay sa Maynila.
—Wow. Heavy.
Sumisilip na ang araw. Naaaninag ko na ang mga puno sa labas.
—Hindi ka ba matutulog?
—Gusto ko nga eh. Pwede bang mag-crash muna sandali dito?
—Pwedeng-pwede bro. Gusto mo doon ka sa kuwarto sa kama ko.
—Eh saan ka matutulog?
—Hindi na ako matutulog, bro. Kailangan kong ihatid yung coke.
—Oks. Tulog muna ko tol.
—Teka, di ba may pasok ka ngayon?
—Pre, sa palagay mo, nasa kondisyon akong mag-aakyat ng ladder at magpintura ng mga dingding at kisame?
—Hahaha. Ang lakas ng stash ko no? Sige tol, pasok ka lang sa room na yan. Meanwhile, maliligo lang ako.
—Saan ka ba maghahatid?
—Di ko pa alam, bro. Naghihingay pa ko ng text.
Pumasok siya ng banyo. Humiga ako sa kamat pinikit ang mga mata. Tangina wasak na wasak ako, dehins na ko makakapasok. Tangina mo Waray! Sick leave ako ngayon, gago! Emergency to kaya wag ka nang pumalag motherfucker! Dinukot ko sa buksa ko ang cell ko para ngayon pa lang, mai-text ko na si Waray at masabing tangina niya, wala ako sa mood para magtrabaho putangina! Ngayon lang ako naka-ganja makalipas ang mahabang panahon kaya dapat isagad ko pa ito!
Habang nagco-compose ng text, may nagtext sa akin, si mama. Blank message. Ibig sabihin, nagpapatawag. Buti na lang nakabili ako ng credits kanina. Pinindot ko sa speed-dial ang number ni mama. Sumagot sa unang ring.
—Good morning ma.
—Kelan ka magpapadala?
—Sa Sabado siyempre. Alam nyo namang every Saturday ang sweldo ko.
—Pwede bang ngayon? May kailangan kase kong bayaran. Saka yung ilaw at tubig ha, due na yun sa Sabado kaya dagdagan mo padala mo. Yung bahay, may balance pa tayong kalahati kase nga nag-bday si Tiya last week, nagastos doon yung pang-rent. Kaya sa Sabadio ha, dagdagan mo padala mo. Saka magpadala ka ngayon kahit one hundred dollars. May kailangan talaga kong bayaran.
—Kumusta naman kayo?
—Okey lang. O sige na, mauuubos ang load mo. Sa Sabado ha. O sige babay.
Dial tone. Shit magbabayad nga pala ng Meralco sa Sabado. Tangina di pwedeng mabawasan ang sweldo ko this week. Putangina. Kailangang pumasok.
Sisipol-sipol na lumabas ng banyo si Stan.
—O akala ko matutulog ka?
—Kailangang pumasok tol.
—Kaya mo?
—Kakayanin. Pinoy naman ako eh.
—May pampagising ako diyan.
—Anong pampagising?
—Ice.
—Yelo?
—Haha. Alam ko shabu ang tawag sa Pilipinas.
Nag-isip ako. Hmmm. Pwede rin. Pampagising.
—Ok.
—Yes! That’s the ticket!
Mula sa drawer, kinuha ni Stan ang isang box. May mga syringe na nakaplastik pa. Napakunot ang noo ko.
—Akala ko ba shabu? Bakit may syringe?
—Relax tol. Dito sa Australia, mas gusto namin dito ini-inject sa katawan. Para mas malakas ang amats. Sa Pilipinas chasing the dragon pa rin kayo dito ba?
—Oo.
—Pwes, dito iba bro. Ok akina yang braso mo.
—Di ba tatalian ng sinturon?
—Hahaha. Sa mga junkie lang yun na wala nang lumalabas na ugat. Heto nakikita ko naman mga ugat mo eh. Wag ka lang malikot.
Tama siya. Nang dumaloy sa ugat ko ang item, daig ko pa nag-unli-Cobra. Tangina nagtatalon ako sa sahig sa tindi ng adrenaline. Hallelujah!! Tangina ilabas ang brotsa at pintura! Pinturahan yang putanginang pader na yan! Ngayon kaya ko nang pumasok.
Matapos mag-shabu, bumaba na kami ng apartment, iniwan si Alex at Rey na nagcho-chorus pa rin ng hilik.
—San lakad mo tol?
—Heto kakatanggap ko lang ng text. Sa Lane Cove ako maghahatid bro.
—Ha? Tamang-tama. Sa Lane Cove kami magpipintura ngayon, nursing home.
—Sabay na tayo.
—Oks. Ano train ba tayo o bus?
—Ha? May kotse tayong dala bro.
—Akala ko ba, sabi kasi ni Alex, wala kang sasakyan.
—Hahaha. Wala nga. Kaya ang dadalhin natin, kotse ni Alex. Tulog naman siya eh.
Nag-high-five kami bago lumabas ng gusali papuntang parking lot.

Lane Cove / 6:30 AM

Ibinaba ako ni Stan sa gate ng nursing home na pinipinturahan namin. Bago maghiwalay, bago ako bumaba ng sasakyan, sumundot ulit kami ng tig-isang injection ng ice. Para siguradong gising. Nagtayuan ang mga balahibo ko sa batok. Pakiramdam ko, ako si Ampatuan! Putangina I'm fucking invincible!
 Dalawang kuwarto na napipinturahan ko nang dumating si Waray bandang 7:30. Tangina, late si kupal. pero siyempre, dehins niya sisitahin ang sarili niya. 
 —Aba ang aga mo ah! For the first time, naunahan mo kong pumasok. 
Di ako sumagot. Nilublob ko ang roller sa tray at itinuloy ang pagpipintura ng dingding.
 —Nakakapanibago ka. Ang aga mo. Mukhang maaga kang natulog kagabi a. Hindi ka ba nawasak sa inuman? 
 You have no fucking idea. 
 Ikinabit ko ang earphones ko at ikinasa ang playlist ng iPod ko sa Pinoy Rock.  Tangina, ayokong marinig ang mga ka-letsehang sinasabi ni kupal. 



No comments:

Post a Comment

Translate this shit