Sunday, May 27, 2012

New Book coming soon


Kampus
Norman Wilwayco

1. Boys

Naalimpungatan ako sa kalabit sa braso ko. Si Greg.

—Ton, pahiram naman ng lighter, sabi ni kupal.

Ito ang mahirap kung nakatira ka sa dorm. Kahit natutulog ka, walang pakundangan ang mga putang ina, iistorbohin ka ng iistorbohin. Ang mga tarantadong ito, wala lang pangsindi ng bisyo.

—Ton, tanghali na, pare.

Lumingon ako sa may pinto. Naroon si Kid. Isa pang nakakabuwisit. Si Kid ang taong ipagpapasalamat ng lipunan kapag nautas na. Malamang nanay niya lang ang maaapektuhan kapag nadedo ang tarantado. At ang epektong iyon, masusukat sa ilang tuyong hikbi at life goes on. Baka ang lahat ng kapatid niya, at lahat ng mga kapitbahay niya, at mga naging kaklase, mga naging prof, mga tindera sa comcen, naknamputa, lahat ng tao, maliban kay Greg, siguradong magpapalakpakan kapag namatay na itong ungas na ito. Kung anumang mga kagaguhan  ang naglalaro sa isip niya, siya lang ang makapagsasabi. Mahirap siyang i-dig.


—Ton, pahiram naman ng lighter, tol, ulit ni Greg.

May pagmamakaawa na ang boses. May klase pa ang mga ito. Malamang may mga exams pa, kase may hawak na libro si Kid. Sino ba namang gago ang magdadala ng libro sa klase kung wala rin lang namang exam at hindi naman kailangan ang kokopyahan.

—Ton?! Lighter, pare, naiinis na si Greg.

Ang mga putang inang ito, may gana pang mainis. Dinukot ko ang lighter ko sa suot kong maong at ibinigay kay Greg. Pagkuwa’y nagtalukbong ako ng kumot. Tang ina gusto ko pang matulog. Alas-kuwatro na ko ng madaling araw nakauwi. Please lang, patulugin n’yo ko.

Dilim, tanging tsk-tsk ng lighter kong ayaw sumindi ang naririnig ko. Balik tulog.

—Ton, ayaw sumindi, pare.


Imposible talaga ang disenteng tulog sa lugar na ito. Mas nakakatulog pa ang mga butiki’t ipis dito sa Boys, kesa sa mga tao. Malamang nga, dahil pangalan pa lang ni Kid at Greg, nagpapahiwatig na ng sandamakmak na perhuwisyo. Samahan mo pa ng sangkatutak na mga kupal ditong tulad ng dalawa. Ang totoo, hindi naman dorm ito kundi plaza. Tambayan ito ng mga pindehong kupal na walang magawa sa kampus.


At sa buong dormitoryo, itong partikular na kuwarto namin ang pinakasentrong tambayan. Hindi pa ako nakakaranas dito ng ilang sandali ng katahimikan. Kung hindi bumabayo ang ingay ng stereo ni Greg, panay ang dakdak ni Kid, kasama ang mga barkada  niyang tulad niya ring dapat nang mamatay. 

Putang inang buhay to. Mas tahimik at payapa pa ang buhay ng kristo sa sabungan kumpara sa akin, sa mga oras na narito lahat ng tropa. Mga tropa ni Greg, mga metalheads na kulelat, mga long hair na walang binatbat, at tulad rin niya, wala nang ibang inisip kundi kung paano mang-hassle ng kapwa. Ang mga tropa naman ni Kid, mga probinsyanong maaangas. Palitan sila ng mga yabang, batuhan nang batuhan ng mga kuwentong kaduda-duda, mga istoryang panis, bilasang balita, at kung anu-ano pang mga katarantaduhan. At ang talagang pinakanakakabilib, kahit mahina ang boses ni Kid, nangingibabaw siya lagi sa pahanginan.

—Ton, Ton, ayaw talagang sumindi.

—Tangina naman, Greg, alangan namang ako pa ang pumunta sa tindahan para ibili kayo ng posporo. Badtrip na talaga ko.

—Wala ka bang ibang lighter, pare?

Our father who art in heaven, aleng masunget kinantot ng panget. Wala na, sira na ang tulog ko. Imposible pa akong makatulog. Tinaggal ko ang talukbong ko’t bumangon. Nag-unat-unat ako, dedma sa dilubyo ng dalawa. Panay pa rin ang kiskis ni Greg sa lighter na ayaw sumindi. Nakakatawang nakakainis na nakakaawa ang kalagayan ng dalawa. Hawak ni Greg ang isang matabang joint ng marijuana. Alam ko ang gig nila, iisang bangka tayo.

Problemado ang dalawa. Haharap sila sa pagsusulit. Ang tangi nilang sandata, mga ala-ala ng gabi-gabing inuman, panata ng mga estudyante dito sa Boys.

Lumabas ako ng silid para dyuminggel. Binagtas ko ang hallway papuntang CR. Ilang pinto pa lang ang layo ko, amoy ko na ang sangsang ng kubeta. Ang putanginang kubeta, sira lahat ng flush ng mga inidoro. Asahan mo pang magbuhos ang mga kupal na nakatira dito. Anlalakas pa namang magsitae. Akala mo, ang sasarap ng mga kinakain, eh madalas naman, ang inuulam ng mga estudyante rito sa Boys, puro sama ng loob. Siguro talagang ganoon, di man natin aminin, masarap ibuhos sa pagtae ang mga hinanakit. Kung pagbabasehan ang volume ng taeng nililikha sa Boys,  masasabing sa buong kampus, dito nagkatumpok-tumpok ang mga talo.

Dilaw na dilaw ang ihi ko, isang karaniwang tanawing nakikita ko tuwing umaga, makalipas ang magdamagang pang-aabuso sa katawan. Matapos umihi, lumapit ako sa drum ng tubig at sumalok ng panghilamos. Humarap ako sa salaming punong-puno ng sulat ng pentel pen at pahid ng kulangot. Isa pang karaniwang tanawing nakikita ko sa umaga.

—Mag-aahit na ba ako? tanong ko sa sarili ko. Huwag muna, sagot ng sarili ko.

Matapos maghilamos, pumasok ako sa isang cubicle at nag-contribute ng share ko sa mga hinanakit ng Boys.

Wala na sina Kid at Greg pagbalik ko sa kuwarto. Sa bedside table ko, payapang nakahimlay ang kalahating joint, tira ng dalawa. May bahagya pang usok sa isang dulo at ang kabilang dulo naman mamasa-masa pa ng laway. Siguro, kung sisilipin sa ilalim ng lente ng microscope, mahihiya ang microscope sa dami ng mikrobyong galing sa bunganga ng dalawa.

Napagana rin naman pala nila ang lighter. Dinukot ko sa isang bulsa ko ang bago kong lighter, kabibili ko lang kagabi. Kumuha ako ng sigarilyo sa ilalim ng unan ko.

Habang hinihitit ang mga unang usok ng umaga, nagdadalawang isip ako kung matutulog o pupunta sa park. Sumagi sa isip ko ang recitation ko kay Santiago. Pero sumagi lang naman, parang dampi ng hangin na bigla ring nawala. No way, hindi ko sasayangin ang panahon ko sa katarantaduhang recitation ni Santiago.

Parang masarap pumunta sa park. Parang masarap mag-paa sa damuhan habang hinihinga ang malamig na simoy at pinapanood ang ganda ng Lake Lanao mula sa taas. Tamang-tama, sabay hihititin ko ang iniwang jutes nina Kid. 

Dinampot ko ang joint sa mesita at ibinulsa. Nagsuot ako ng sapatos at jacket. Napapangiti ako sa pananabik.


2. Park

Bagamat mahaba ang aahuning burol mula sa Boys papuntang park,  di ko inda ang pagod. Maglilimang taon ko na ring minamani ang pag-ahon-ahon dito. Tumutulo ang pawis sa magkabilang kili-kili ko, at ito man, di ko inda. Sa taas ng burol, nagsindi ako ng sigarilyo. Puro pababa na ang daan kaya puwede nang magyosi.

Pagdating sa park, pinili ko ang paborito kong puwesto, sa ilalim ng malaking puno, sa gawing likuran ng Arts and Humanities. Naupo ako sa damo at naramdaman ang pagtagos ng hamog sa suot kong maong. Dinukot ko ang jutes sa bulsa ko at sinindihan.

Rain, rain, go away, come back another day.

Bigla ang pagdidilim ng langit at halos kasabay nito pumatak ang ulan.

Idinuldol ko sa dila ang baga ng jutes at tumayo sa kinauupuan. Ibinulsa ko ang roach at nagtatakbo sa gilid ng Arts. Ito ang hassle dito sa kampus, ulan. Maya’t maya na lang umuulan. Pero kapag nasanay ka na, makakabisado mo na ang klima. Ako nga, hindi pa nagdidilim ang ulap, alam ko nang uulan, parang nase-sense ko ang takbo ng utak ng nature.

Ang bentahe naman dito, kung gaano kabilis ang ulan, halos ganoon din kabilis ang pagtila. At sabay kindat ng araw, parang walang nangyari. Walang iniwang bakas ang lumisang ulan, maliban sa nangingintab na damuhan at mahinang patak ng tubig mula sa mga dahon at sanga ng malalaking mga punong nagkalat sa buong kampus. 

Balik sa puwesto. Badtrip, basa ang damuhan. No problem. Hinubad ko ang suot kong jacket at inilatag sa damuhan. Malamig pa rin sa puwet pero tuyo.

Dinukot ko ang roach sa bulsa ko at sinindihan. Habang humihitit at bumubuga, pinapanood ko ang ganda ng Lake Lanao, isa sa mga nalalabing kayamanang hindi pa gaanong ginagahasa ng sibilisasyon. Isang larawan ng rilag, kapayapaan at kasaganaan. Naiikutan ng bulubunduking binansagang “Sleeping Lady” dahil sa korte nito kung titingnan sa malayo, na animo nga naman, babaeng nakahiga. Nakaumbok pa ang malalaking suso at medyo matambok ang puson. Parang middle-aged na maybahay na pinapahinga ang patang katawan.

Haay, Lake Lanao, kunin mo ako mula sa miserableng kinalalagyan ko at hayaang sisirin ko ang mga misteryong nakatago sa pusod mo. Hampasin mo ako ng iyong mabining agos, ihatid mo ako sa tabi ni Sleeping Lady nang tuklasin namin ang lalim ng isa’t-isa, bawat kurbadang kayumanggi, malalim at mababaw, gagalugarin ng nangungusap kong mga daliri, pandamang naghahanap ng kalinga…

Kalabit sa balikat ko.

—Sleeping Lady?

Kalabit uli. Kukunin mo na ba ako, Lake? Sige, ipinauubaya ko sa iyo ang buo kong pagkatao, lunurin mo ako sa pusod mo. Ipinauubaya ko na sa tarantadong mundong iiwan ko ang lahat ng mga utang at ari-arian ko. Goodbye, cruel world. Hello Lake, take me in your arms and embrace me with your warmth, baby. Laki sa Lanao, laki sa Lanao, Maranao.

Kalabit uli.

—May lighter ka? tanong niya.

Unti-unti akong bumalik sa reyalidad. Morphing, dahan-dahan, nagbabago ang pananaw ko, hanggang mag-zero sa mukha niya. Hinitit ko ang roach at naramdaman ang init sa naninilaw kong mga daliri. Matapos ang huling hit, isinubo ko ang roach at nginuya at pilit na nilulon.

—Ha? tanong ko sa kanya.

Noon ko lang siya nakita nang malapitan. Madalas ko siyang makitang nakatambay sa harap ng Arts, nag-iisang naninigarilyo habang nakaupo sa makintab na sahig ng lobby. Napapansin ko siya dahil madalas din ako doon, nagbababad, pinagtitripan ang mga kapus-palad na estudyanteng naglalabas-masok sa gusali.

Maganda pala siya sa malapitan at kung talagang pagmamasdan. Madalas kasi, hindi ko siya napapansin, parang isa lang sa mga naglipanang babae sa kampus. Pero sa malapitan pala, malakas ang dating. At alam niya iyon, pero ayaw niya, naroon ang pilit na pagtatakip. Siguro’y ayaw niya nang napapansin.

Nakalugay na buhok, kamisetang kupas, trench coat na mukhang hindi nilalabhan, maong na warak sa magkabilang tuhod, Doc Martens na binalutan ng packing tape, bonnet, itim na gloves na sinadyang putulin ang mga daliri.

—May lighter ka? tanong niya.

Dinukot ko sa bulsa ko ang lighter at iniabot sa kanya. Halelujah! Hawak niya sa kamay niya ang isang matabang joint, amateur ang pagkakabilot. Sinubo niya ang joint at sinindihan. Malalalim na hitit, unti-unting paglabas ng usok sa ilong.

Ipinasa niya sa akin ang joint. Sino ako para tanggihan ang grasya?

Tinaggap ko ang iniaabot niya. Hindi ko pa nailalapit sa bibig ko, sa kamay pa lang, sumasabog na ang pagkakabilot. Hindi ako mapakali kapag nakakakita ng damong nasasayang. Habang may sindi ang joint, binulatlat ko ang rp, inayos ang gintong nasa loob, at saka hinablot ng bilot, masikip. Hitit. Karanasan ang tunay na guro.

Naghubad siya ng jacket. Inilatag sa damuhan ang makapal na tela at saka inupuan. Matagal kami sa ganoong posisyon. Pareho kaming absorbed sa mga sarili, habang pinanonood ang Lake Lanao at pinagpapasa-pasahan ang joint.

Sa di kalayuan, may magsyotang naupo sa damuhan. May ilang estudyanteng nakaupo rin sa park, kalat-kalat, may nag-iisa, may dalawahan, ang iba may mga hawak na libro.

Naalala ko ang recitation ko kay Santiago. Ilang araw na ba akong hindi pumapasok? Di ko na mabilang. Bukas, papasok ako.

Iniisip ko ang kasalukuyang status ko sa kampus, nasa yugto ako ng pag-e-evaluate kung gaanong pagsisikap ang kailangan kong gawin, ilang session sa park ang kailangang palampasin, para lang maitaguyod ang buhay-estudyante ko hanggang matapos ang semestre, nasa ganito akong framework, nang balutin kami ng hamog. Malamig sa balat, nanunundot, nangungurot.

—Sindi pa tayo, sabi niya.

—Meron ka pa? tanong ko.

Dumukot siya sa maong niya at iniabot sa akin ang isa na namang dambuhalang joint, nakatupi sa gitna.

Sino ako para tanggihan ang grasya? Itinuwid ko ang joint,  inayos ang pagkakabilot at sinindihan.

Muli kaming natahimik, tanging ang joint na umuusok ang nag-uugnay sa amin.

—Ako si Jack, sabi niya.

—Ha? tanong ko, nagtataka kung ano ang ibinubulong niya.

—Ako si Jack, ulit niya. Ikaw, ano’ng pangalan mo?

—Tony, sagot ko.

Muling dumilim ang langit at pumatak ang ulan. Nagtayuan ang mga tao sa park at nagtakbuhan sa Arts. Nanatili kaming nakaupo, walang pakialam sa mga takbuhan sa paligid at sa malalaking patak ng ulan.

Kumulog, kumidlat. Mukhang hindi ito yung karaniwang “now you see it, now you don’t” na ulan ng kampus. Kapag ganitong kumukulog at kumikidlat, medyo mahaba itong ulan na ito.

—Gusto kong maligo sa ulan, sabi niya.

Bigla niyang hinubad ang basa niyang kamiseta. Na-exposed ang suso niyang maputi. Noon ko lang napansin na wala siyang bra. Nagmumura ang mga nipples niyang kulay pink, in stark contrast sa mapuputing suso. 

Luminga-linga ako sa paligid, walang tao sa park maliban sa amin. At hindi rin kami kita ng mga nakasilong sa likod ng Arts dahil sa kapal ng hamog na bumabalot sa amin.

Nang lingunin ko uli si Jack, hinuhubad niya ang boots niya. At narinig ko ang garalgal na tunog ng zipper ng pantalon niya. Ilang sandali pa, nagtatakbo siyang nakahubo, walang pakialam sa mundo. Sumasayaw sa hangin ang mahaba niyang buhok. Naiwan akong nakaupo, pinanood ko ang pagsasayaw niya sa ulan.

Nainggit ako. Buti pa siya, mayroon siyang pakikipagkaisa sa kalikasan, sa damuhang kinalalagyan namin, sa mga puno, ulan, at higit sa lahat, sa malawak na lawang nakatanghod sa amin. Ikinasal sila ng kalikasan.

Hinubad kong isa-isa ang lahat ng saplot ko at sinundan si Jack. Nagtatakbo rin ako nang hubo sa damuhan. Sinabayan namin ng tawa ang kulog at kidlat. Naki-jam kami sa gig ng kalikasan. Sumasayaw, naghahabulan, nadudulas sa putik, sumasakit ang mga tiyan namin sa katatawa. Parang walang katapusang party.

At sa kabila ng mga halakhak ni Jack, napansin ko ang ang tuloy-tuloy na pag-agos ng luha sa mga mata niya, di kayang itago ng ulan. At naramdaman ko, nag-iinit ang mga pisngi ko. Ako rin pala, lumuluha, at nagtataka ako kung bakit hindi ko kaagad napansin. Siya kaya napapansin niya? 

Nang tumila ang ulan, mabilis na hinawi ng hangin ang makapal na hamog. Bumalik kami sa mga damit namin, basa. Mabilis kaming nagbihis. Matutuyo rin ang damit sa init ng katawan. Nagbabalikan na sa park ang mga estudyante’t magsyota. Nakangiti ang araw, parang walang nangyari.

Inaya ko si Jack na mananghalian. Matapos ang pakikipagniig sa ulan, at sa yugtong medyo kumukupas na ang amats ng doobie, wala nang ibang pinakamasarap gawin kundi kumain.

Binagtas namin ang pathway papuntang comcen. Magkahawak ang mga kamay namin.


3. Comcen

Magulo at maingay ang kahabaan ng comcen. Tanghali, nagkakagulo ang lahat ng karinderya. Sa dami ng mga estudyanteng kumakain,  hindi kayang i-accommodate lahat. Maraming nakatayo sa sidewalk, naghihintay na lumuwang ang mga kainan.

Nagtuloy kami sa Chocolate Eatery. Ito na ang pinakadulo ng comcen. Paglagpas pa ng Chocolate Eatery, damuhan na. Sa may duluhan pa, gubat na. Di tulad sa ibang kainan, dito sa Chocolate, walang mga nakatambay sa labas. Hindi puntahan ang kainang ito kasi nga malayo na, paakyat pa ang daan. 

Sa may pinto, nagpagpag kami ni Jack ng jacket, at isinabit sa sabitan sa may entrance ng karinderya.

—Tony!

Nilingon ko ang tumawag sa akin. Si Rommel, kasama niya si Toks. Nakaupo sila sa isa sa mga mga mesa sa loob. Kung nagkataong sina Greg at Kid ang nasa loob, hindi ako tutuloy. 

Pumasok kami sa loob ng karinderya at dumiretso sa mesa nina Rommel.

—Oi, bati ni Rommel, labas ang lahat ng ngipin sa luwang ng pagkakangiti. Tumango sa akin si Toks.

Matagal ko nang kilala ang dalawa. Si Rommel, mula pa noong unang buwan ko rito sa kampus. Sabay kaming nirekrut dati sa LFS, pero siya lang ang nagtuloy. At noong naging aktibista siya, walang masasabi ang lahat. Talagang gumampan siya ng gawain, di tulad ng ibang puro porma lang. Solidong pagkilos sa loob ng tatlong taon. Nasira ang pag-aaral niya, nasira ang relasyon niya sa pamilya, nasira ang relasyon niya sa ilang mga kaibigang anti-tibak, at hiniwalayan siya ni Nancy, yung dati niyang jowa. Dati, nakikita ni Rommel na kilusan na lang katuparan ng existence niya bilang tao.

Pero nag-iba si Rommel. Dalawang taon na ang nakalilipas nang magtangka siyang magpakamatay. Mabuti na lang naagapan ng mga kasambahay niya sa staff house. Bumubula ang bibig sa dami ng lason  na ininom at tumatagas ang dugo mula sa mga malalaking laslas sa magkabilang bisig. Himala na lang na nabuhay pa siya. 

Pero nabuhay nga, iba na. Ang dating kimi at mahiyaing kasama, naging propeta. Kuung anu-anong mga kampanya at prinsipyo ang itinaguyod niya, hanggang sa tanggalin siya sa kilusan. At mula noon, iba na ang tawag sa kanya. Sa sirkulo ng mga kaibigan namin, na karamiha'y mga intelektuwal na malilibog, mga addict, tomador at iba pang ni-reject ng movement, siya na ngayon si The Preacher. Isa ako sa mga natitirang tumatawag sa kanya sa dating pangalan.

Si Toks, hindi ko gaanong kalapit. Pero matagal ko na ring kakilala. Mula nang mag-lie low si Rommel sa pagkilos, kasa-kasama na niya si Toks, English Major na gurang na rin. Mukha namang okey ang tandem nila ni Rommel. Tipong si Toks, talaga lang bored sa buhay at digs niya ang mga kampanya ni Rommel.

—Kumain na kayo? tanong ko kay Rommel.

—Hindi pa, bro, sagot niya.

Umupo ako sa tabi ni Toks. Tumabi sa akin si Jack. Umusog ako, nawalan ng upuan si Toks. Umikot siya sa harap ng mesa at naupo sa tabi ni Rommel, umiiiling. Napangiti ako, mahal ko itong mga taong ito.

—Umorder na kayo, sabi ko kay Rommel.

—Hindi kami rito kakain, sagot ni Toks. Hinihintay lang namin si Putot.

—Umiskor kayo? tanong ko.

—Oo.

—Magkano?

—Bente.

—Pa-jam naman ng lima, bayaran ko sa katapusan.

—Ok.

Ayos, hindi ako matuutuyuan. Suwerte itong pagkakapunta namin ni Jack sa comcen. Tumayo si Toks para bumili ng sigarilyo.

Naglalaway ako sa amoy ng karinderya. Lumingon-lingon ako sa mga mesang nakapalibot sa amin. Bawat hapag, umuusok. Mesa lang namin ang malinis, maliban sa nangangalahating basong tubig ni Toks.

—Ton, sama ka sa amin bukas, aya ni Rommel.

—Saan, tanong ko, medyo kinakabahan. Kapag ganitong humihirit si Rommel ng mga lakad, pihadong meron na naman itong isyung pinapakulo.

—Sa dairy farm.

—Bakit? tanong ko. Sigurado ako, hindi pupunta si Rommel roon para bumili ng gatas.

—May campaign kasi kami para ibalik na sa Switzerland ang mga baka.

Natigilan ako, napatitig kay Rommel. Ang dairy farm at ang mga bakang hinakot pa mula sa Switzerland ang isa sa pinakamagandang bagay na nangyari sa kampus. Sa dairy farm, limang piso lang ang gatas, nakalagay sa plastik, yung malaki kaysa sa plastik ng yelo. Puwedeng hot o chilled.

Tuwing umaga, ginagatasan ang mga bakang imported. Ang gatas na sinisipsip ng hose sa mga baka, nagtutuloy sa isang container at sa mga tubo-tubong naglalagos dito. Ang pinakahuli sa proseso, ay ang pagsahod ng gatas mula sa gripong nakasuso sa malaking container. Sinasahod sa plastik ang gatas, tinatalian ng goma, saka itinitinda ng limang piso sa nakapilang mga estudyante. Murang gatas para sa hikahos na mag-aaral. Limang piso lang, fresh milk, sa panahong sa mga tindahan sa Maynila, yosi at kendi na lang ang kayang bilhin ng limang piso.

Tunay ngang mainam ang pag-operate ng admin sa dairy farm. Pero iba ang tingin dito ni Rommel. 

—Bakit mo pakikialaman ang dairy farm? tanong ko.

—Ikaw ba, gusto mong dalhin ka sa ibang lugar, malayo sa lugar na pinaglakhan mo, tapos kukunan ka ng gatas hanggang sa matuyuan ka?

—Hindi, sagot ko. Hindi naman ako baka, eh.

—Eh, kung baka ka, papayag ka?

—Hindi, pero...

—Sa tingin mo, Ton, yung mga bakang imported, gusto nila yung ginagawa sa kanila?

—Hindi, kaya lang...

—Sa tingin mo, aliw na aliw sila sa ginagawa sa kanila? Na magaang na magaang ang loob nila sa pagsasamantalang ginagawa sa kanila?

—Hindi, pero...

—Yun na nga, eh! Hindi sila masaya. Ano sama ka sa kampanya namin?

Sa "namin" sigurado kong sila lang dalawa ni Toks ang nakapirma. Baka may isa, dalawang kasama na napatango ni Rommel sa pagdalo.

Mababaw. Hindi ko eksena ito. Isa pa, suki ako ng dairy farm. Nakikinabang ako pagsasamantala sa mga bakang imported.

Mahirap tumanggi kay Rommel. Siguro yung mga bagong kaibigan, sa kanila, madali lang. Pinagtatawanan nga nila ng harap-harapan si Rommel. Sayang, hindi nila nakilala si Rommel noong bago siya naging The Preacher.

Alam ko, inaasahan na ni Rommel ang pagtanggi ko. Pero mahirap talagang tumanggi. Mahirap pero kaya ko. Hindi ko kayang ipagpalit ang ilang mapagpalayang session sa park sa pagsama-sama sa mga kampanyang wala namang patutunguhan.

—Ano, Ton, sama ka?

Walang excitement sa mukha niya. Siguro, hinihintay niya ang pagtanggi ko, tulad marahil ng ginawang pagtanggi ng 99% ng mga inaya niya sa kampanyang ito. 

Kunsabagay, mas okey tumanggi nang harapan kesa mang-indyan, tulad ng ginagawa ng iba. Tatango, tatawa nang patalikod, mang-iindyan.

—Ano, Ton, sama ka? ulit ni Rommel. Hindi ako titigilan hangga't hindi ako sumasagot.

—Eh, tol, atubiling sagot ko, napapakamot sa ulo.

—Preacher!

Napalingon kaming lahat. Dumating na si Putot.

Nakalimutan ako ni Rommel. Nabaling ang lahat ng atensyon niya kay Putot, isang gurang na estudyante, punggok, at mataba. Wala sa hitsura niya ang pagiging estudyante. Mukha siyang pahinante ng isang delivery truck, o kaya'y alalay sa isang vulcanizing shop. Kunsabagay, hindi yata naka-enroll ngayon ang kumag na ito. Hindi na yata nag-aaral si Putot, matagal na panahon ko na siyang hindi nakikitang nagagawi sa Arts. Madalas ko siyang makitang pakalat-kalat dito sa comcen, nakasando ng kulay dilaw, maong na short.  Ginawa na niyang fulltime na trabaho ang pagttitinda ng damo sa mga estudyante.

Bigla kong naisip, may syota kaya itong si Putot? Isang tingin lang sa mukha niyang nagmamantika sa dami ng acne, malamang wala. Ang totoo, wala akong makitang maganda sa hitsura niya. At hindi rin naman ekstra-ordinaryo ang talino niya. 

Pero putot man o hindi, sa kasalukuyan, siya ang “The Man.”

Napako ang atensyon namin sa stash na binubulatlat ni Putot mula sa pagkakabalot ng diyaryo. Berdeng-berde ang kulay ng doobie, may pula-pulang balahibong himulmol. Dedma ang ibang mga kumakain kahit lantaran kaming naghihimay-himay ng damo sa mesa.

—Lagkitan? tanong ni Toks.

—Oo, sagot ni Putot. Hinawakan niya ang isang dulo ng stalk at hinampas-hampas sa mesa. Walang nalagas na mga dahon. Totoong lagkitan.

Naglaway kaming apat. Sa tagal na ni Putot sa ganitong raket, kilala siya dahil matitindi ang damong tinda niya. Sa raket na ganito, hindi ka tatagal kung puro pandan at makahiya ang itinitinda mo.

Kumuha ng ilang hiblang stalks si Rommel mula sa balutan, pumunit ng kapirasong papel na pambalot at iniabot sa akin. Ayos, mahimbing ang tulog ko mamayang gabi. Ibinulsa ko ang damo at umusal ng taimtim na Hallelujah.

Mabilis na inayos ni Rommel and pagkakabalot ng jutes at ibinulsa. Tumayo si Putot at nagpaalam. Bayad na siya bago pa man siya lumakad para kunin ang order ni Rommel. Wala na siyang papel sa tropa namin, sa ngayon.

Nagtayuan kaming apat. napagkasunduang pumunta sa Forestry para mamulot ng sayote sa kanal. Tapos, tutuloy kami sa bahay ni Nathan, isang kabatak. Doon namin kakainin ang sayote. 

Sa wakas, makakakain din.



4. Share

Nang madaan kami sa park, dinukot ni Rommel ang jutes sa bulsa niya.

—Toks, papel. 

Dinukot ni Toks ang pitaka niya at mula rito'y kinuha ang puting-puti at malinis na papel. RP kung tawagin namin, zigzag sa iba, alkoy sa ilan. Anu't anuman, iisa lang ang gamit, pambalot ng damong pangkalma ng utak.

Mabilis magbalot si Rommel. Mahahalata mo talaga kung sino ang gamay na at kung sino ang hindi, sa sistema pa lang ng pagro-roll. Perpekto ang bilot ni Rommel. Kung bibigyan ng rate na 1 to 10, nasa 9.8 ang rate niya. Hindi na masama para sa isang preacher.

Sinindihan ni Rommel ang joint sa lighter na iniabot sa kanya ni Toks. Okey talaga ang tandem ng dalawa. Humitit siya ng malalim, inipon ng ilang segundo sa dibdib ang usok, at saka unti-unting ibinuga sa ilong. Inulit niya ito nang dalawa pang beses sabay ipinasa niya kay Toks ang joint at ito naman ang humitit. Maiigsing higop at isang mahabang higop na tila walang katapusan. Bawat stoner, kanya-kanyang style. 

Ipinasa sa akin ni Toks ang umuusok na joint. Sino ako para tanggihan ang grasya?

Humitit ako ng malalim at ipinasa ang joint kay Jack. 

Isang round pa at kinain na ni Rommel ang katiting na roach. Gusto pa sanang humirit ni Toks pero naisubo na. Nagpatuloy kami sa paglalakad.

Heto na naman kami, Lake, bulong ko sa sarili ko. Hindi ko maiwasang hindi tumingin sa dambuhalang lawang nakatanghod sa amin. Parang sinusundan kami ng tingin, nakatanghod sa bawat kilos namin.

—May share ako, anas ni Jack habang naglalakad kami. 

—Ha? tanong ko.
—May share kako ko, ulit niya.

—Tara, kunin natin

—Tara, tapos balik na lang tayo. Sayang din yung share ko.

—Galing na tayo ng comcen, hindi n’yo pa kinuha, sabad ni Rommel.

—Hindi naman sa comcen, eh. Diyan sa dorm.

—Saan ka ba nagdo-dorm?

—Sa PLH.

—Sige, kunin n'yo na lang, Ton, sabi ni Rommel. Hintayin na lang namin kayo dito.

—Okey.

Umupo si Rommel at Toks sa damuhan at nag-roll ng joint  Naglakad kami ni Jack pabalik. Hindi pa naman gaanong malayo ang PLH. Dati, nangangasera din ako. Dini-distribute ang share noon sa may tapat ng RS Hall. Sa dami ng kumukuha ng share, at sa dami ng mga nandedekwat ng share, maraming alalay na tagabantay ang nagtitinda. Para akong pataygutom noon na nakikipag-unahan sa pagkain. Dalawang order na kanin at isang ulam. Kakarampot na pantawid-gutom, tama lang para magkalaman ang sikmura.

Bentahe ng nangangasera: kahit gastusin mo ang lahat ng allowance mo, siguradong may makakain ka araw-araw. Kung hindi, kasa-kasama mo ang mga kapuspalad na estudyante, sa may Girls, umaakyat ng puno ng bayabas. Sa kampus, madaling malaman kung sino ang walang pera. Makikita mo sila, kundi sa Forestry namumulot ng sayote sa kanal, sa Girls, umaakyat ng puno ng bayabas.

Disadvantage sa pangangasera: kung anu-anong mga damo at litid ng kung anu-anong hayop (puwera baboy) ang ipapakain sa iyo. Madalas, di ko type ang ulam. Kapag naman type ko ang ulam, bitin dahil kakarampot. 

Mas mainam nga kung hindi na lang mangasera. Ang kailangan lang naman, seryosong pagba-budget ng pera. Dapat hindi kapusin, kailangang umabot ang pera hanggang pagdating ulit ng sunod na allowance. Mahirap ding maging estudyante. Dapat talaga dito, may suweldo.

—Mga kababayan mo ba sila? tanong ni Jack habang naglalakad kami.

—Sino, sina Rommel? tanong ko. 

—Si Rommel, taga-Maynila rin, tulad ko. Si Toks, di ko alam kung taga-saan. 

Bigla kong naalala, hindi ko man lang na-introduce ng maayos si Jack sa mga kaibigan ko. Pero sa pagtatawanan namin sa park kangina, habang chumochongki, akala mo matatagal na silang magkakakilala. Kunsabagay, ganito naman talaga sa kampus. Basta namumukhaan mo, nakikitang pakalat-kalat sa academe, ayos lang kahit di kilala ang pangalan. Simpleng tanguan lang, magkasundo na. 

Pagdating namin sa PLH, naroon na sa lobby ang nagdedeliver ng mga pagkain. Mula sa gate ng dorm, tanaw ang makapal na bulto ng mga estudyanteng babae na nakatanghod sa mga basket ng pagkain, hinahalukay ang mga balutan,  namimili ng medyo may laman.
—Dito ka lang, hintayin mo ako, sabi ni Jack.

Umupo ako sa gilid ng gate ng dorm at nagsindi ng yosi. Sa di kalayuan, namataan ko si Jaron, isang ka-tropa. Nakaupo siya sa center isle ng kalsada sa harap ng PLH, marahang kinakaskas ang hawak na gitara. 

Matagal ko na ring kakilala si Jaron. Una ko siyang nakasama sa isang room-to-room campaign ng LFS noong panahon ng kasagsagan ko sa pagkilos. Noong kalagitnaan ng RTR, nagsindi ako ng joint sa likod ng Arts. Chongki break para ma-digs ko ang isa na namang nakakapagod na round ng pakikibaka. Kalahati ko na ang joint, papatayin ko na sana nang may kumalabit sa likod ko, si Jaron. 

—Pahitit.

Inabot ko sa kanya ang joint. Isa rin pala siya sa mga nahihirapang tumalikod sa bulok at dekadenteng kulturang ipinalamon sa atin ng mga dayuhang imperyalista. O mas tama kayang: “Isa siya sa mga AYAW tumalikod sa bulok at dekadenteng kulturang ipinalamon sa atin ng mga dayuhan.” Puwede ring: “Isa siya sa mga NAGPAPASYANG HINDI TATALIKOD sa bulok at dekadenteng kultura”. Puwede ring: “Isa siya sa mga AYAW TUMALIKOD DAHIL PARA SA KANYA, HINDI BULOK AT DEKADENTE ang paghitit ng damo.” O mas tama kayang: “Isa siya sa mga kasamang liberal pagdating sa doobie.” Tama, mas simple, mas totoo, hindi corny. 

Kaya mula noon, itinuring ko na si Jaron na isa sa mga kasamang liberal sa doobie. 

Naputol ang muni-muni ko nang ibalik niya sa akin ang joint na umuusok. Umiling ako. Tatanggi muna ko sa grasya dahil punong-puno na ng usok ang ulo ko. Baka kapag humitit pa ako, maglabasan na sa mga butas ng tenga ko ang usok.

Sabay kaming bumalik sa campaign, preparado sa pakikibaka. Doon nag-umpisa ang mas mahigpit na camaraderie ng mga aktibistang may bisyo.

Tumayo ako sa kinauupuan ko at lumapit kay Jaron.
—Oi, Jaron.

—Oi, Tony. Me hinihintay ka?

—Oo, kaibigan ko, kumuha lang ng share.

—Ako rin, hinihintay ko si Malou. Kumuha rin ng share.

—Saan kayo kakain? tanong ko.

—Kahit saan. Baka sa park na lang.

—Gusto n’yo, sumabay na lang kayo sa amin. Papunta kami kina Nathan. Doon kami kakain.

—Sino-sino kayo?

—Ako, si Rommel, si Toks, saka si Jack, bago kong kakilala. Siya yung hinihintay ko dito, kumuha lang siya ng share

Bantulot si Jaron. Naalala ko, mayroon nga pala silang alitan ni Rommel. Matagal na iyon. Wala naman talagang nakakaalam ng buong kuwento, puro patsi-patsi, basta may kaugnayan umano sa hoarding ng marijuana na ayon kay Rommel, sunod sa Imperyalismo, ay siya nang pinakamasamang gawain. Involved daw si Jaron, sabi ni Rommel. 

—Hi, Tony.

Napalingon ako sa tumawag sa akin. Si Malou, syota ni Jaron. May hawak siyang balutan, malamang share niya. Pareho pala sila ni Jack na sa PLH tumutuloy.

—Oi, Malou, andami niyan, ah, bati ko, nakatingin ako sa dalawang balutang dala niya.

—Binili ko itong isa, para kay Jaron.

—Suwerte naman ni Jaron.

—Siyempre! ani Jaron sabay haplit sa balakang ni Malou.

—Ano, Jaron, sama kayo? tanong ko.

—Saan tayo? tanong ni Malou. 

Atubili pa rin si Jaron. Pero tumango ng marahan.

—Sama tayo kina Tony, pupunta sila kina Nathan. Doon na tayo kumain. 

—Sige, ‘lika na, walang pag-aatubili sa boses ni Malou. Siguro’y hindi niya alam ang nangyaring alitan nina Jaron at Romel dati.

—Teka, may hinihintay pa ko, sabi ko.

—Sino?

—Kaibigan ko, si Jack.

Inilapag ni Malou ang balutang dala at naupo sa gitna namin ni Jaron. 

—Kanta tayo, sabi ni Malou.

Wala ako sa mood kumanta. Ang gusto ko, kumain. Parang naaamoy ko na ang bango ng bagong sinaing. Naglalaway ang bibig ko lalo pa’t naaamoy ko ang amoy ng pagkaing nanggagaling sa PLH.

Ilang sandali pa, namataan ko ang paglabas ni Jack mula sa gate ng PLH. Wala siyang bitbit. 

—Asan yung share mo? tanong ko.

—Wala, eh. Kinuha ng roommate ko. May bahid ng pagkairita ang boses niya. 

—Ha? Bakit?

—Nag-iwan siya ng note. Bumili na lang daw ako sa comcen. Kailangan lang talaga. May mga bisita daw kasi siya.

—Ireklamo mo sa PLH admin.

—Hayaan mo na.

—Siya nga pala, naalala kong bigla sina Jaron. Mga kaibigan ko. Si Jaron at si Malou. 

Sasama sila sa atin.

—Hi, matipid na bati ni Jack. Tumango sa kanya ang dalawa.

—Tara lets?

—Tara.

Nagtayuan na kami at binagtas ang daan papuntang park kung saan naghihintay sina Rommel at Toks.

Napangiti ako. Sa wakas, makakakain din.



5. Sayote
Isa sa mga hiwaga ng kalikasan ang sayote. Mahiwagang pagkaing solid pero 98% liquid. Ang totoo, hindi naman talaga masustansya. Pero kung estudyante ka dito sa kampus, okey ang sayote pangtawid-gutom. Hindi mo naman talaga kailangan ang nutrisyon, kailangan mo lang, makatipid para yung allowance mo, maipang-gastos mo sa bisyo. 

Ang totoo, hindi ang mga lider-estudyante ang tagapagligtas ng mga mag-aaral dito sa kampus. Ang totoong tagapagligtas — sayote. Nagkalat sa Forestry Dept., pinupulot lang namin sa kanal. Kaya nga dito sa kampus, kilala kaagad ang mga walang pera, namumulot ng sayote. 

Wala kaming kibuan habang nangunguha ng sayote. Plano naming kumuha ng marami para pasalubong na rin namin kay Nathan. Tutal, haybols niya yung hahaselin namin sa pagkain. Saka, makikisagot kami sa kanya ng kanin. Di man kami mag-usap-usap, alam naming bawat isa sa amin, iisa ang iniisip—sana may bigas si Nathan. 

Wala pa ring kibuan si Rommel at Jaron. At tingin ko, napapansin na ito ni Malou at ni Jack. Pero walang nag-abalang magpaliwanag sa kanila. Lahat kami, absorbed sa ginagawa namin.

—Tama na ‘to, sabi ni Rommel.

Mahigit dalawampung sayote ang naipon namin at nakahilera ang mga ito sa gilid ng kanal, parang mga sundalong magmamartsa. Umupo muna kami sa isang tabi para magsindi ng joint.

—Kumusta na, Rommel, ani Jaron.

Nagkatinginan kami ni Toks. Alam namin ang mahigit isang taon nang away nina Jaron at Rommel. Nagkibit lang ng balikat si Toks.

Umikot muna ng dalawang beses ang matabang joint bago nagsalita si Rommel. Tipong nakalimutan na ng buong tropa na may kumustahan palang nagaganap.

—Mabuti naman, sagot ni Rommel. Hinitit niya ng matagal ang roach at saka kinain at nilulon. Dito sa kampus, isang kasalanang mortal ang pagtatapon ng roaches. Nagulat nga ako nang unang salta ko rito, kasi kami ng mga tropa ko sa Quezon City, hindi namin kinakain ang roach, iniipon ito at isinusuksok sa mga butas-butas sa dingding. Kapag naipon at marami na, puwede nang i-roll para maging isang joint.

—Ikaw, kumusta? Tanong ni Rommel, pero nakayuko siya at hindi tumitingin kay Jaron.

Patlang. Ninanamnam namin ang tama ng ganja. 

—Badtrip ako sa yo, Jaron, ani Rommel.

—Ako rin, badtrip sa yo, sagot ni Jaron.

—Pero mas badtrip ako sa iyo.

—Eh mas badtrip ka.

—Ikaw lalo.

—Labi na ka, Preach. Grabe ka, bay.

—Unsa’y grabe. Ikaw diha. Ayaw’g baliha diha, bay.

Unti-unti nang nagiging badtrip ang kangina’y groovy na eksena. Nakonsyensya ako. Ako kasi ang nag-aya kay Jaron na sumama sa amin. Kahit alam kong war sila ni Rommel. Bakit ko ba kasi inaya si Jaron? Ano’ng baluktot na dahilan ang natulak sa akin para ayain si Jaron sa isang sitwasyong alanganin, na involved ang pareho kong katropa? Isa ba akong kampon ng kadiliman na talagang gumagawa ng karumal-dumal na gawain just for the sake of doing it?

—Tama na yan. Chongki na lang tayo, hirit ko. Desperadong aksyon para isalba ang natitirang positive energy sa paligid. Kung bakit naman kasi itong mga kasama ko, parang mga bata. Hindi na lang mag-usap ng maayos. Daig pa ang pride ng mga artista.

Kumulog ng malakas. Ilang sandali pa, pinunit ang buong paligid ng malakas na kidlat. Maya-maya’y unti-unting bumagsak ang ulan, palakas nang palakas. Para kaming mga tuod na nakatayo sa kinalalagyan namin, pinipilit iiwas sa ulan ang mga payat naming katawan. Mabuti na lang, marami akong praktis, sa Boys, sa tuwing nagsasalita ang putang inang si Kid, umiiwas ako sa talsik ng laway.

Ako lang ang walang bonnet. Si Toks, may hood ang jacket kaya oks lang sa ulan. Ako lang yung mukhang tanga na basang-basa ang mukha, parang wiper ng sasakyan ang mga kamay ko sa maya’t-mayang paghawi ng tubig sa mukha ko. Napansin ni Jack ang gitara ni Jaron, nakasandal sa isang puno. Kinuha niya at niyakap sa loob ng trench coat niya.

Nakatulong ng malaki ang malakas na ulan. Kahit isang salita, wala akong nawawaan sa sigawan nina Rommel at Jaron. Mabuti na lang umulan. Naligtas ang mga inosente kong tainga sa dumadagundong na murahan at sisihan. Sa tingin ko, ipinagpasalamat rin nina Toks, Malou at Jack ang ulan, tulad rin ng sa akin ang dahilan. Nagkakatinginan lang kami, salitan ng tingin sa dalawang nagsisigawan, at malamang, kahit si Rommel at Jaron hindi rin nagkakarinigan kahit halos magkadikit na ang mga mukha. 

Sinenyasan ko si Toks, at iniabot niya sa aking yung supot ng ganja. Ginawa kong silungan ang hood ng jacket niya habang binibilot ang isang jumbo, pangkalma ng utak.
Umikot nang ilang beses ang binilot kong joint. Maski sina Rommel at Jaron na abala sa kanilang away, hindi puma-pass sa ikot ng joint. Nang maubos ang joint, parang himalang tumila ang ulan, at sumikat ang araw. At noong sandali ring iyon natahimik ang dalawang naggigirian. 

Para kaming na-magic ng araw. Kay sarap ihagis ng sabog at namumulang mga mata sa kislap ng liwanag. 

Matapos ang magic ng araw, lumingon kami sa likod. Napansing naming may black eye si Rommel. Maga ang labi Jaron. Pero nagkakamay na sila. 

Ayos! Nang dahil sa kalikasan, nagkaroon ng peace. Iba talaga ang nagagawa ng nature. Magic.

Hinawakan ni Jack ang kamay ko. Tumingin ako sa kanya, at pagkuwa’y hinalikan ko siya ng matagal, sa lips. Hindi ko matantya kung gaano katagal kaming nagsipsipan ng dila. Ito ang isang epekto ng pagdadamo, distorted ang sense of time mo kapag sabog ka.

—Tama na yan, sabi ni Rommel. 

Natigil kami ni Jack. Napansin naming nakatingin sa amin ang tropa, at sa tantya ko, malamang nga matagal kaming naghalikan. Tumayo kami at pinag-hati-hatian ang mga sayoteng dala namin. Apat ang kasya sa dalawang bulsa ng trench coat ni Jack. Ako naman, nakabukol ang magkabilang bulsa ng jacket ko, may lamang tig-isang sayote, at marami pa akong bitbit. Kaming lahat, namumukol ang mga bulsa,  bukod pa sa mga hawak namin.

Nagtuloy kami sa paglalakad papunta sa bahay ni Nathan.

Sa wakas, makakakain din.



6. Kampus

Naisipan naming gimikan ng harana si Nathan. Trip lang. Uso naman dito sa kampus yung harana eh. Habang daan, pinag-uusapan namin kung ano ang kakantahin. Suggestion ni Jaron, All Apologies ng Nirvana. Wala lang. Kasi yun ang uso sa radyo. Suggestion naman ni Malou,  Air Supply daw. Natawa kami ni Jaron. Oo nga naman,  sa panahon ngayon, kahit papaano’y meron pa ring nakikinig ng Air Supply.  Ayon nga sa mga hardcore fanatics ng singing duo, sabihin nang April Boy Regino ng Amerika ang naknamputang Air Supply, digs pa rin ito. Tulad ni Nathan, halimbawa. Sa lalagyan niya ng cassette tapes, naghuhumiyaw ang mga pangalang, Pantera, Sepultura, Slayer,  at iba pang kademonyohan. Pero sa isang tabi, nakangiting parang out-of-place ang mga album ng Air Supply. Mahirap din minsang i-digs ang trip ng mga tao dito sa kampus.

Sa bukas na bintana ng kubo, humuhugos palabas ang maingay na pagtatalo. Humilera kami sa harap ng bukas na bintana. Binabanatan na ni Jaron ang mga panimulang chords ng All Out of Love nang isa-isang maghagisan mula sa bintana ang mga damit, sapatos, kumot na amoy suka, unan, at ang kasunod nito’y si Nathan mismo.

Bumagsak siya sa harap namin, sa paligid ng mga gamit niyang nakakalat sa lupa sa aming paanan. Duguan ang mukha niya.

—Tang inang…! Hindi mapakiusapan ang putang ina—! 

—Nathan, bakit? Naguguluhang tanong ni Rommel. Tipong noong oras na iyon, siya lang ang nakaisip na mag-react sa sitwasyon.

—Pinalayas ako ni Loyski, sagot ni Nathan habang isa-isang pinupulot ang mga gamit niyang nakakalat sa lupa. 

Ilang sandali, humugos sa bintana ang iba pang kararaulan ni Nathan sa buhay. Una ang mga libro, ang marami ring librong nadekwat sa iba’t ibang lugar at pagkakataon, at nahiram nang di na naisoli, sunod ang ilang pares ng sapatos, sunod ang isang Sony cassette player (na maagap na nasalo ni Malou, na tumama sa baba niya’t nagpangiwi sa mukha niya maghapon), sunod ang maraming-maraming mga cassette tapes (kasama ang mga Air Supply), at iba pang mga nangangamoy na kagamitan. 

Matapos ang paghahagis ng mga gamit, sumungaw sa maluwang na bintana si Loyski, ang landlord ni Nathan. 

—Ayaw na ug balik dinhi, Nathan. Makit-an nako na’ng nawong nimo dinhi, patyon taka. 

Matapos magsalita, padabog na isinara ni Loyski ang bintana. 

—Ano nangyari, Nathan? tanong ni Jaron.

—Obvious ba? sagot ni Nathan. Pinalayas na ako ni Loyski.

—Bakit?

—Lagi ko kasi siyang tinatalo sa debate, eh.

—Kow, yun lang? Pinalayas ka dahil doon?

—Iyon at siguro, iyong dalawang semester na hindi ako nakapagbayad ng upa dito sa bahay.

Tinulungan namin si Nathan na sinupin ang mga gamit. Gusto ni Rommel na komprontahin namin si Loyski dahil sa maltreatment niya ng tenant niya. Pero pinigilan namin. Balik-Islam si Loyski. Ibig sabihin, Kristiyanong nag-Muslim. Mahal ng mga Maranao ang mga balik-Islam. Para ka na ring sumugod sa isang fratman. 

Binagtas namin ang makipot na daang kabayo papalabas ng Forestry Dept. Nang marating namin ang clearing sa may likuran ng building, umupo kami sa damuhan at nag-roll si Toks ng joint. Pinupunasan ni Malou ng panyo niya ang mga dugo sa mukha ni Nathan. Mga gasgas lang naman. 

—Saan ka ngayon titira? tanong ko kay Nathan.

—Eh di sa inyo,  sa Boys’ Dorm.

—Hindi puwede roon. Mahigpit, di pupwedeng magpatulog ng tropa.  Hindi ka naman rehistrado doon. Saka, maraming kupal doon, pare. Ako nga gusto ko nang lumipat. Tang-inang mga gago. Lalo na yung Kid. 

—Sa inyo, Preach? baling niya kay Rommel.

—Di pwede. Ako nga gusto nang palayasin dahil tatlong sem na kong di nakakabayad. 
Nagtayuan kami, pare-parehong sabog at kahit papaano’y handa na namang lumaban sa mga subok ng buhay. 

Nagtuloy kami sa paglalakad hanggang makarating sa Arts. Kumakalam na talaga ang sikmura ko. Kanina ko pa gustong mag-foodtrip. Napagkaisahan naming umutang na lang ng kanin sa canteen ng Arts at sa park na lang kainin ang mga dala naming sayote. 

Pumuwesto kami sa likod ng Arts, sa paborito kong puno. Umupo kami sa damuhan at ibinulatlat ang mga dala namin. May dalang share si Malou, yung sa kanila ni Jaron. Yung mga kanin, binulatlat. Inilagay sa gitna yung sukang nahingi namin sa canteen, nakalagay sa styrofoam cup. Buti na lang at may dalang swiss knife si Toks at binalatan at hiniwa-hiwa ang mga sayote.

Sayote (hilaw) + suka + kanin + marijuana = busog na addict.

Sa pagitan ng mga nguya, pasalit-salit ang tingin ko sa Lake Lanao. Muli, kaulayaw ko na naman ang mahiwagang lawa. Muli, hiniling ko sa tadhana na pag-isahin na kami ng lawa, kunin na ako sa miserableng kalagayan ko sa piling ng mga tao. 

Pakiramdam ko, mas masarap tumingin sa gawi ng lawa, na may kung anong pangakong magic, kaysa sa gawi ng Arts building na kumakatawan sa lipunang kinapapalooban namin. Kung ako ang papipiliin, mas pipiliin kong maging isda at maging bahagi ng magic ng lawa, kaysa maging bulakbulerong estudyante ng kampus.

Kumukulimlim na. Unti-unti nang kumakapal ang hamog sa park at sa tantya ko, alas-tres na ng hapon. Malapit-lapit na ring dumilim.

Napansin ko, tahimik kaming lahat. Nilingon ko isa-isa ang mga kasama ko. Lahat kami nakatingin pala sa lawa. Parang iisa ang mga iniisip namin. Panay ang roll ni Toks ng joint at panay naman ang hitit namin. Di ko na matandaan kung ilang beses kaming nagsindi. Ang mga nangyari kangina, umpisa doon sa pagsasayaw namin ni Jack sa ulan, sa pangunguha namin ng sayote, ang lahat ng nangyari, parang ang tagal na. Ang bilis ng ikot ng panahon pero di ko namamalayan. Wala akong pakialam. Wala akong pakialam sa lipunan, wala akong pakialam sa kampus, wala akong pakialam sa lahat. Sana, kunin na ako ng lawa. Please lang, parang di ko matanggap na uuwi ako mamaya sa Boys at makakasalamuha ang mga taong kinaaasaran ko.

—Toks, roll pa tayo, bulalas ko.

xxx

xxx

4 comments:

  1. Anonymous8:37 AM

    sir salamat sa libreng dl sa nobela mo pong gerilya. gusto ko pong mainspired sa mga sulat niyo...

    ReplyDelete
  2. Anonymous8:37 AM

    sir salamat sa libreng dl sa nobela mo pong gerilya. gusto ko pong mainspired sa mga sulat niyo...

    ReplyDelete
  3. Anonymous4:56 AM

    kelan lalabas to at san pwede umiskor ng kopya?

    ReplyDelete
  4. Anonymous4:56 AM

    kelan lalabas to at san pwede umiskor ng kopya?

    ReplyDelete

Translate this shit