Wednesday, August 05, 2009

Short Story

Chesapeake in one summer afternoon
beside the river under the cool shade of the bamboo

by Norman Wilwayco

Di ako makapaniwala sa nabasa ko. Binasa ko ng paulit-ulit. This guy deserved to die. Poor fucker, naisip ko. Gising ang bawat himaymay ng laman, pumipintig-pintig ang mga nag-usling ugat sa mabilis na daloy ng adrenalin, mula sa mga talukap ng mata hanggang sa dulo ng hintuturo. At pagkalabit ng gatilyo, susuka ng tingga ang dulo ng baril na nakaturo sa bibig, at hihiwain ng putok ang tahimik na paligid, gulantang na magliliparan ang ilang mga ibong nakakalat. Tumatama ang sinag ng panghapong araw sa pira-pirasong utak na kumalat sa lupa.



Poor fucker, naisip ko ulit. Three-time loser. Unang natalo sa salaysay, pangalawa sa pagpapakamatay, pangatlo sa comment ni Inday. Nilapag ko ang binabasang libro at nag-unat-unat, umingit ang kawayang papag sa pagbangon ko. Pinulot ko sa papag ang isang lagas na dahon ng kawayan na napipi sa pagkakahiga ko, tinandaan ang libro sa pahinang wasak. Sindi muna ng yosi, ilang hitit-buga, sabay tayo’t lakad palapit sa ilog. Kanina pa sasabog ang pantog ko sa kakapigil ng ihi.

This guy deserved to die, sabi ng note ni Inday sa gilid ng pahina.

Habang umiihi naglalaro sa isip ko ang mga pangyayari sa kuwento. Naiisip ko si Paxmore, isa sa mga pangunahing tauhan, matapos matanggal sa posisyon sa White House, nagdulot ng kahihiyan sa pamilya niya, at naisipang magpakamatay na lang, nagbaril sa bibig. Anumang kabadtripang ginawa niya sa bungad ng kwento, kuha niya pa rin ang simpatya ko. Kaya nakakabigla ang comment ni Inday sa gilid ng pahina. This guy…

___
…deserved to die. Mahigpit ang hawak niya sa bolpen at halos mapunit ang pahina ng libro sa diin ng pagkakasulat niya. Dinukot niya sa bulsa ang mamasa-masang panyo at nagpahid ng luha. Lagi siyang may panyo kapag nagbabasa dahil mabilis tumulo ang luha niya, mabilis siyang maapektuhan ng binabasa, sa mga trahedyang dinaranas ng mga tauhan. Tulad ngayon.
Sa pagkakahiga, matagal muna siyang tumitig sa kisame, ninanamnam ang librong katatapos lang basahin, partikular ang parteng binalikan niya’t binasa nang dalawang beses. Nilapag niya ang libro sa bedside table at bumangon. Latang-lata ang buong katawan niya sa mahigit sampung oras na pagkakahiga.
Mabuti na lang tapos ko na, naisip niya.

Walang duda, dapat itong mabasa ni Tony, naisip niya. Nagtatalo ang isip niya kung tatawagan si Tony. Kanginang makapananghali, umalis ang kuya niya, may dalang bola. Alam niyang nagbabasketbol ito sa baranggay gym at mamaya pa ang uwi. Sa oras na ito mag-isa lang siya sa bahay. Bumangon siya’t lumabas ng kuwarto.

Tahimik na tahimik ang buong kabahayan. Kasalukuyang nasa Davao ang papa at mama niya, namimili ng mga transistor at maliliit na appliances na siyang tinitinda nila sa kanilang radio shop sa may palengke. Bukas na ang balik ng mga magulang niya.

Nagtungo siya sa kusina at nagtimpla ng kape. Dinala niya ang mainit na tasa sa may tabing bintana, at doon umupo, nagsindi ng sigarilyo at tumingin sa labas. Uwian na ng mga trabahador sa PICOP kaya makapal ang bilang ng mga naglalakad sa kalsada. Naalala na naman niya ang librong katatapos lang basahin. Di niya napigil ang pag-iyak. Dinukot niya sa bulsa ang panyo at pinahid ang namamaga nang mga mata.

Naubos ang kape. Tumayo siya’t humakbang patungong sala. Dinampot ang telepono at tinawagan si Tony.

___

—Kuya, telepono, sabi ni utol.

Kasalukuyan akong nakasubsob sa algebra assignment ko. Medyo nairita ko sa istorbong ito. Higit sa lahat, ayokong iniistorbo kapag nakasalang sa algebra. Hindi aandar ang mundo kung walang math. Parang walang koneksyon, sabi nga ng mga bobo. Pero iyon ang tingin ko.

—Sino? tanong ko.

Di sumagot si utol, sinabayan ng talikod at hilang pasara ng pinto ko sa kuwarto. Badtrip. Itong ugali niyang ito ang di ko masakyan. Ang di pagsagot kapag tinatanong mo. At paulit-ulit niya itong gagawin sa paglipas ng mga taon, bagay na ika-iirita ko ng mahabang panahon din. Gagawin niya ulit sa akin ito sa huling pagkakataon makalipas ang labinlimang taon, habang buto’t balat siyang nakahiga sa kama, naghihingalo, kalahati ng katawan niya kinain na ng cancer. Tatanungin ko siya at titingin lang siya sa akin, di sasagot.

Tumayo ako’t lumabas ng kwarto, nagtuloy sa sala’t umupo sa sofa. Inangat ko ang telepono.

—Hello.

—Tony?

Nabosesan ko siya agad.

—Hi. Kumusta?

—Okey lang. Bukas pa babalik sila mama’t papa.

—Sino kasama mo sa bahay?

—Kami lang ng kuya ko.

Patlang. Di ko alam kung paano bibigkasin ang susunod kong tanong. Pero di na pala kailangan. Napalingon ako sa pinto ng kuwarto ko, naisip ang algebra problem na kalahati pa lang ang nabibiyak ko, naisip kong makakapaghintay ang mga putanginang x and y kung saka-sakali.

—Wala siya dito ngayon, dagdag niya. —nasa baranggay gym.

Iyon lang ang kailangan kong impormasyon. Wala pang 30 minutos, kumakatok na ko sa pinto ng bahay nila.

___

Nagulantang siya sa katok. Napatingin siya sa kamay niya, hawak pa pala niya ang receiver ng telepono. Umulit ang katok, mas malakas. Humakbang siya palapit sa pinto, di na niya sinilip muna sa bintana kung sino ang kumakatok, tulad ng nakagawian na niya tuwing pagbubuksan ang sinumang kumakatok.

Hinatak niya papasok si Tony at pinupog ng halik.

Labintatlong taon mula ngayon, pagbubuksan niya ng pinto ang inaakala niyang asawa niyang kumakatok sa pinto ng antigong bahay na tinitirhan nila sa Brooklyn, New York. At di na siya nagkaroon pa ng pagkakataong malaman. Ang huling ala-ala niya, ang malaking mamang nakasuot ng hood, at ang baril na nakatutok sa mukha niya, at ang nakabibinging putok.

Lilipas pa ang limang taon bago mababalitaan ni Tony ang nangyari, maikukuwento sa kanya ng isang kababatang kaklaseng aksidente niyang makakasalamuha sa isang convention. At maaalala niya ang hapong iyong buong-buo ang paghanga niya kay Inday, noong hapong nagbabasa siya ng librong pinahiram sa kanya sa ilalim ng kawayanan nila sa Mangagoy.

Sa likod ng pinto, parang mga hayok silang nagpalitan ng laway. Nagsimula sila sa sala at nagtapos sa kuwarto. At matapos ang isang oras na kabaliwan, sabay silang nagsindi ng sigarilyo at tinitigan ang isa’t isa.

—May ipapahiram ako sa iyong libro.

—Ano?

—Maganda. Basahin mo ha.

—Ano pamagat?

—Chesapeake.

—Dami ko pang binabasa eh. Daming naka-line-up.

—Eh kase, di ka nagbabasa. Puro kayo bowling.

—Para namang may iba ka pang pwedeng gawin sa Mangagoy.

—Madami.

—Ha? Bigyan mo kong eksampol.

—Mmmm....

—Kita mo, wala kang maisip.

—Pwede kayong mag-pingpong.

—Pingpong? Ano pinagkaiba noon sa bowling?

—Pwede tayong mag-swimming. Sa Danipas.

—Hmmm.

—Sige na, sagot ko saging.

—Ok. Tamang-tama, meron kaming champurado sa ref namin, dadalhin ko.

—Huwag na, ‘no. Ayokong kumain ng champurado sa beach.

—Ano’ng oras tayo?

—Ala-una? Daanan mo ko dito.

—Ikaw na pumunta sa amin. Malapit sa amin ang sakayan.

—Sige na nga.

Narinig nila ang pagbukas ng pinto, narinig nilang pumasok ang kuya ni Inday. Maya-maya, narinig nila ang gripo sa banyo.

—Alis ka na.

—Sige. Bukas, ha.

Mabilis silang nagbihis at nakiramdam. Nagpaalaman.

—Teka lang, wag ka muna umalis.

Pumasok siya sa kuwarto at dinampot ang librong nahulog kanina sa sahig.

Sa may pinto, inabot niya kay Tony ang libro.

—Ingatan mo yan, ha.

—Opo.

Sinilip niya sa bintana ang papalayong likod ni Tony.

___

Mahigit isang oras ko nang binabali-baligtad ang algebraic equation pero di ko makana ang solusyon. Nakakaasar kase ang ingay sa labas ng kuwarto ko. Si utol kasama mga barkada niya. Kanina pa praktis nang praktis ng sayaw para sa nalalapit na dance presentation nila sa baranggay. Walang pakundangan ang lakas ng stereo sa tugtugang hiphop.

—Hinaan nyo naman yang tugtog!

Di ako pinansin ng mga puta.

—Hoy! Hinaan n’yo sabi yang tugtog! Nag-a-assignment ako!

Maya-maya humina ang tugtog. Sa wakas makakapag-algebra na.

Kanginang dumating ako galing kina Inday, malayo pa lang ako dinig ko na ang tugtugan galing sa loob. Patay, kako sa sarili ko. Andyan na naman ang mga tropa ni utol. Maingay ang mga motherfuckers, di ako makakapag-concentrate sa assignment ko. Napatingin ako sa may kawayanan. Medyo madilim na kaya di pwede roon. Saka malamok na. masarap lang sa papag kapag tipong tanghali, pagkakain, sabay makakatulog kang pinaghehele ng lagaslas ng ilog at bulungan ng hangin at mga dahon. Tamang-tama, babasahin ko bukas ang librong pinahiram ni Inday.

Pero bukas pa iyon, ang ngayon ang problema. Sobrang ingay sa bahay at may kailangan akong tapusing assignment.

—Salamat! nakahinga ang utak kong lito nang hinaan nila ang stereo.

Muli kong binasa ang algebra problem pero may kumatok sa pinto ko.

—Sino yan? di ko tinago ang iritasyon sa boses ko.

—Si Chance.

Napakunot ang noo ko. Binuksan ko ang pinto. Pagkabukas ko ng pinto, pumasok siyang walang paanyaya. Sumilip ako sa sala, walang tao.

—Asan si utol, tanong ko sa kanya.

—Sinundo sina Bingkat.

—Bakit ka nagpaiwan?

—Pagod na ko maglakad eh. Hihintayin ko na lang sila dito.

—Hinaan n’yo naman ang pa-tugtog niyo. Nag-a-assignment ako eh.

—Alam mo, Ton, ikaw lang ang kilala kong kahit bakasyon nagsasagot ng mga textbooks.

—Ano masama roon? Eh itong librong ito ang gagamitin namin pagbukas ng klase sa June.

Umupo siya sa study table ko, inupuan ang mga papel na sinusulatan ko ng mga computations. At ibinuka ang legs niya. Di ko maiwasang mapatingin sa puting itnap na sumungaw sa maikli niyang palda.

—Ako, ayaw mong pag-aralan?

Mahigit isang oras ng kabaliwan ang pinagsaluhan namin. Nanginginig ang tuhod ko pagkatapos. Maya-maya, narinig namin ang masayang kwentuhan nina utol, naglalakad sa kalye papasok ng bakuran namin. Mabilis kaming nagbihis.

—Huwag mo sasabihin kay Ruby, bilin niya.

—Bakit ko naman sasabihin? Di sinumbong ako noon kay papa.

—Thanks.

—You’re welcome.

Nagkindatan kami sa may may pinto bago siya lumabas.

Bago ang graduation, sasama si Chance sa lead guitarist ng isang punkistang bandang madadayo sa Mangagoy. Dalawang taon siyang pagpapasa-pasahang parang basahan ng mga musikero. Malululong siya sa droga at kalaunan, magiging pasanin na sa banda kung kaya’t iiwanan siyang nagmamakaawa sa gitna ng highway sa may bandang San Frans. Dito, mapapasok siya bilang dancer/puta sa isang nightclub. Magiging kostumer niya ang dati naming principal noong hayskul. Iuuwi siya nito sa Mangagoy (matapos pagsawaan) sa mga magulang nito. magpapakamatay si Chance makalipas ang dalawang buwan sa piling ng mga magulang niya.

___

Ninanamnam ko ang unti-unting pagkabawas ng bigat ng pantog ko. Sa dami ng inihi ko, pakiramdam ko naglayuan ang mga isda. Napapikit ako sa sarap ng ginagawa ko. Bukod sa sarap ng pag-ihi, masarap din ang pakiramdam ng pagkatapos mong basahin ang isang magandang libro. Ang sarap ng ihi't kuwento.

This guy deserved to die. Putangina, naisip ko, karapat-dapat mahalin habambuhay ang babaeng nagsabi nito. Kakaiba siya sa lahat. Binigyang katwiran niya ang pagiging kakaiba ko rin.

Narinig ko ang pagbukas ng gate naming kalawangin. Nariyan na si Inday. Malayo pa lang, abot tenga na ang ngiti niya. At naalala kong ngayon nga pala ang usapan naming maligo sa Danipas. Minadali ko ang pag-ihi. Punong-puno ng pananabik, napangiti ako sa mga posibleng mangyari ngayong hapon.


******For Greg Brillantes

5 comments:

  1. nung panahong wala pang cellphone, ang pagpunta nila mama at papa sa davao ang naging konsepto ko ng kalayaan. hahagisan ko lang ng tig-isang tali ng kangkong ang mga baboy sa bakuran, at kakaripas na ko papuntang danipas o pantalan.

    isang kilo ng litson sa postwan para sa yo norman. panalo to!

    ReplyDelete
  2. ayuz to, panalo

    ReplyDelete
  3. the best ka Mr. N.W... Iwa!!! I'm a big fan!^^

    ReplyDelete
  4. Maganda...magaling...pero binitin mo ako...nabitin ako sa kwento ni chance sina binulgar mo pa ng husto...pero still panalo tong akda mo....

    ReplyDelete
  5. simula ng nabasa ko ung mondomanila mo idol na kita.. and i continue on loving u as i finish reading pages of ur responde book.. and now, ewan ko ahaha i love this too, how u stir up feelings.. im swept away.. lels

    what took me so long to finally find you.. nyahaha

    ReplyDelete

Translate this shit