Tuesday, August 30, 2005

Dugyot short story by norman wilwayco

Dugyot 
by Norman Wilwayco

Santong mangingiyot. Sinawimpalad na buhay sa mundong doble-kara. Wala ka na talagang mapapagkatiwalaan sa panahong ito. Kunsabagay kahit noon, di naman talaga katiwa-tiwala ang mga tulak. Kumbakit ba naman kasi ako lagi ang taga-iskor. Tang-ina komo ba ako ang pinakabata, ako ang tagabili? Lalu na kapag iligal?

Tulad ngayon. Tangina. Na kina Ompong sila, nagpapakasarap, nag-iinuman. Ako, heto mukhang patay-gutom na naghihintay kay Olsen. Ang putang inang tarantado. Iistapahin pa yata yung pera ko. Eh dadalawandaan na nga lang iyon, tang-ina ang dami pa naming maghahati. Eh putang ina kay Patotok pa lang ubos na iyon.



Eh magkano lang itong binigay sa akin. Dalawandaan. Bato at chongki ang pinapabili. Eh puta ano ang mabibili ng dos syentos? 150 bato at dalawang payat na joint ng chongki? Tangina papatayin ako ng buong tropa kung iyon lang ang iuuwi ko. Pagdududahan akong ginugulangan ko sila.

Kaya nga dito ako sa mismong source nagpunta. Di naman sa talagang tulak kundi sa teritoryo ng mga tulak. Tangina dito dikit-dikit ang mga bahay na ang raket, pagtitinda ng droga. Kilala itong bahaging ito ng looban. Dito nagkatumpok-tumpok ang lahat ng tatay na adik. Tangina kapag nadaanan ako ng barangay tanod dito, yari ako.

Nakita ko si Olsen. Nakita niya rin ako. Sinalubong ako ni kupal, dilat na dilat ang mga mata, halatang lumilipad ang utak na minanhid sa usok ng kemikal na sinusunog. Ang sarap ng buhay ng tarantado. Kahit di siya tulak, kahit runner lang, kumikita siya. May pang-tustos na ng bisyo, may pambili pa ng pagkain. Tangina bihira nang tambay ang nakakabili ngayon ng disenteng pagkain. Panay pambansang pagkain na instant pancit canton ang laging laman ng mga bituka ng mga tambay na naglisaw sa buong looban. Kaya anlalakas magsi-utot ng mga putangina at ambabaho pa.

—Pare, long time no see. Kumusta na, bati sa akin ni Olsen, sabay apir ng kamay.
—Ayos lang.
—Bihira ka nang magawi dito sa amin, ah.
—Pasensya na pre. Nagtrabaho kase ‘ko sa konstraksyon. Alam mo na, medyo na-bisi ng konti sa trabaho. Sabay labas ng ngiti kong ngiting adik.
—Ah talaga, tatango-tango si Olsen, —suwerte mo naman, pre napasok ka sa trabaho.
—Sandali lang din, patapos na yung prajek eh. Tatlong buwan lang.
—Kahit na, putsa pare suwerte mo pa rin. Biro mo, tatlong buwan kang may kinakain.

Di ko alam ang isasagot. Nararamdaman ko ang hiwa ng mga titig ng mga tao sa palibot, kalahati sa kanila nag-iisip na pakawala ako ng parak, kalahati nag-iisip kung dapat ba kong makauwi pa nang buhay sa amin o dapat na ba kong mamatay.

—Tangina, suwertihan talaga ang pagtatrabaho, ano? Ako ang tagal ko nang naghahanap, wala pa rin. Walang mahanap na trabaho kahit saan.

Di na talaga ko mapakali sa kinatatayuan namin sa gitna ng daanan. Kahit may mga punit sa magkabilang kili-kili ang suot kong kamisetang maraming mantsa, di pa rin ako kakulay ng paligid. Masyado yatang makinis ang mukha kong nanggigipalpal sa taghiyawat. O di pa kinakapitan ng talaba ang mga talampakan kong may alipunga at nanggigipalpal sa libag. O kulang pa sa tapang ang amoy ng dikit-dikit kong buhok na sunog sa araw at pawis. Masyadong halatang di ako taga-rito, kitang-kita ako kahit saan magtago. Para akong ipis na nasa gitna ng kama.

—Eh di siguro, tuwing suweldo niyan, nagkakaayaan kayo ng mga kasamahan mo sa trabaho, ano? Nakatawa nang maluwang si Olsen. Patay-malisya sa dilubyo ko.
Pilit ang mga ganting ngiti ko sa kanya.

—Siguro, minsan, nagpupunta pa kayo sa mga beerhouse ano, may mga nagsasayaw.
Tango-tango. Di ko alam ang isasagot.

—Sarap ng buhay mo, pre. Nakakainggit ka.

Kanya-kanya lang panahon pre. Di ko alam kung nasabi ko iyon ng malakas o mahina. Tangina, gusto ko nang umuwi. Pag nadaanan ako ng barangay tanod dito, yari talaga ‘ko.

—Siguro ubos din ang suweldo mo sa bisyo, ano, pare? Nakuuuuu, kilala kita, ikaw pa, eh di pa yata pinapanganak ang magbubuwal sa iyo sa inuman, ha diba pre?

Tumawa siya, tawang nangangantyaw. Parang tawa ng isang kaibigang matagal na di nakita. Tawa rin ako. Tawanan kami. Laping-trip. Tutal, may tadyak pa yung tama ng chongking sinindihan namin kina Ompong kanina.

—Siguro kaya di ka nakadalaw dito, laging ubos ang pera mo ano?
—Parang ganoon na nga, sagot ko.

Tawa ulit. Tawanan kami.

—Tangina ako na kaibigan mo, di man lang nakatikim ng suweldo mo, pare. Pumupunta ka lang dito kapag may kailangan ka. Pero kapag wala, kapag gusto mo lang mag-enjoy, gusto mong magwaldas ng pera, ni minsan di mo man lang ako dinalaw rito para sabayan ang pag-eenjoy mo, pare.

Natigil ang pagtawa ko.

—Tangina di ka man lang nag-painom kahit minsan!

Patlang. Mahabang patlang. Nararamdaman ko ang mabining pag-agos ng pawis sa magkabilang kili-kili ko. Iiling-iling si Olsen. Naramdaman ko ang isa-isang paglalabasan ng mga kalalakihang nakahubad mula sa pinto ng magkakalapit na mga bahay. Tangina, sa loob-loob ko, ito na ba ang oras na dapat ko nang damputin ang mga tsinelas ko at kumaripas ng takbo palayo sa impiyernong ito?

Sinubukan kong magpalusot.

—Di ba kelan lang, uminom tayo kina kuwan… di ko alam ang idudugtong.
—Hindi, pare, ang alam ko, matagal ka nang di nagagawi rito. Nagtrabaho ka pala. Buti ka pa. Siguro, di ka nagugutom. Kami rito, tag-gutom eh. Wala man lang nakaka-alala sa amin. Kahit mga KAIBIGANG MAY MAGANDANGTRABAHO SA KONSTRAKSYON.

Putang inang Olsen ito. Dito pa ko sa daan babadtripin. Kasalukuyan kaming nakatayo sa gilid ng makipot at madilim na daanan. Pari’t-parito ang mga taoong dumadaan sa magkabilang gilid namin. Pero itong putang inang kupal na ito, ayaw tumabi.
Kangina, ayaw ko sanang ako ang umiskor. Katwiran ko, bakit laging ako? Eh tangina, kapag napagkaisahan ka ng tropa, wala kang magagawa ako ang naatasang bumili ng gamot sa lumbay at gutom.

Ambilis ng lakad ko pagpasok dito sa purok nila Olsen. Puta may mga bantay na tanod sa bungad, umiinom sa tindahan, nagvi-videoke. Di nila ko napansin. Kung nagkataong di pa masyadong lasing ang mga tarantadong iyon, sisitahin ako, tatanungin kung ano’ng sadya ko sa lugar na ito, sa lugar na ito kung saan ang mga residente kilalang tulak.

Suwerte, nakalusot ako pagpasok. Sumabay ako papasok sa aleng mataba na kabababa lang ng traysikel. Sinabayan ko hanggang makalampas sa tindahang iniistambayan ng mga armadong barangay tanod. Mga putang inang tanod na karamihan di marunong bumasa at sumulat pero lisensyadong humawak ng de-kalibreng mga armas, kapangyarihang handog ng gobyernong sira-ulo.
Pagliko ko sa may eskinita, sinalubong ako ng dalawang bata. Chongki, chongki, paaskad na bulong ng isa. Bato-bato-panalo, bulong naman ng isa. Hinawakan ko sila sa ulo, magkabilang kamay ko, at madiing pinag-umpog ang mga ulo nilang bobo.

—Mga putang ina n’yo lubayan n’yo ko.
—Tangina mo rin, sigaw ng isa habang umiikang tumatakbo palayo.

Umakmang pumupulot ng bato ang isang bata. Ginulat ko. Takbo si kupal, kahit nahuhubo ang salawal. Naiwan ako sa daan, di makagalaw sa hiwa ng mga titig mula sa mga bintana, mga pinto, at mga madidilim na lilim ng mga posteng pundido.

Iginalaw ko ang mga paa, pinilit na hinakbang palakad. Pinilit itago ang kabang unti-unting tumatambol sa dibdib, pinilit itago ang panginginig ng tuhod, at ang humuhugos na malalim na pangambang bukas kaya sisikat pa ang araw.

—Dugyot!

Napalingon ako sa tawag ng pangalan ko. si Olsen. Ang orihinal na anak ng kemikal, alagad ng lagkitan, bungal ang mga ngipin sa harap, umaalog ang lahat ng natitirang ngipin, sumisikad palabas ng bungo ang nanlalaking mga matang buwan ang binibilang bago maisandal sa unang mapanghe. Kumaway sa hangin ang mga bisig niyang yayat at naglagutukan ang mga nag-uslingbuto sa mga daliri, siko at balikat.

—Pare, long time no see. Kumusta na, bati sa akin ni Olsen, sabay apir ng kamay.
—Ayos lang.
—Bihira ka nang magawi dito sa amin, ah.

Eh tangina department store kayo ng droga rito eh. Maya’t maya ni-ra-raid kayo ng mga parak. Kayo-kayo rito, nagtuturuan. Kaya maya’t maya may nakukulong. Kayo-kayo naggugulangan. Kaya kayo-kayo nagpapatayan. Eh mga putang ina kayo di pa kayo maubos lahat dito. Di na lang kayo magpatayan lahat? Ngayon, tinatanong mo kung bakit di na ako nagagawi rito? Kung di ka bobo, dapat alam mo nang kaya lang ako narito, para umiskor ng droga, di para kaibiganin kayo, mga putangina n’yo.

Gusto kong sabihin kay Olsen lahat ito. Gusto kong ipamukha sa kanya na putangina, mas mataas akong tao kesa sa kanya, di niya ko puwedeng pagtripan, na siya isa lang hamak na pusher. Di nga pusher eh, runner. Runner, ibig sabihin, taga-takbo, taga-bili. Kung may darating na kostumer na taga-labas, yung di taga-kanila, siya at ibang tulad niyang runner ang sumasalubong sa labasan. Nakikipag-unahan sa ibang runner sa pakikipag-bulungan sa mga naghahanap ng pangkalma at panandyak ng utak,. Kukunin nila ang pera, ihahatid ang buyer sa bahay niya kasama ang asawa niyang payat, nakalaylay ang maitim na utong na sinususo ng gusgusing sanggol. Putanginang runner, kung umasta, daig pa ang buyer, ang mismong magtatapon ng pera para sa kemikal na pangwasak ng kinabukasan.

Kaso, di ko puwedeng gawin yon siyempre. Kupal man si Olsen, kailangang tiisin. Siya lang ang kakilala ko rito, at wala na akong ibang kakilalang mapapatakbo para umiskor ng droga para sa tropa kong barubal na kasalukuyan ngayong nagtatawanan at naghaharutan sa bahay nina Ompong, na siyang may bertdey ngayon, na taun-taon na lang, padami ng padami ang yabang na namamahay sa katawan. Ang mga putangina, sila kaya dito.

Iba ang lumabas sa bibig ko at iba naman ang iniisip ng utak kong kalahati gustong ma-high at ang kalahati nagmumura at seryosong nagtatanong kung ano ba itong ginagawa ko sa putanginang buhay ko sinisira ko sa droga eh kung mahuli ako rito putangina…

—Pasensya na pre. Nagtrabaho kase ‘ko sa konstraksyon. Alam mo na, medyo na-bisi ng konti sa trabaho. Sabay labas ng ngiti kong ngiting adik.

Matapos ang kulitan, matapos ang nakakabadtrip na paninita ni Olsen sa akin tungkol sa umano’y di ko pagpapainom noong namamayagpag pa ako sa mundo bilang dakilang konstraksyon worker.

Matapos ang nakakanerbiyos na katahimikan, biglang tumawa nang malakas ang tarantadong si Olsen. Buti na lang di ako masyadong nagulat. Noong puntong iyon, noong naglalabasan ang mga sertipikadong tambay ng lugar na ito, akala ko katapusan na ng lahat. Buti na lang, ‘di ako naihi sa salawal. Sobrang nakakahiya kung ganoon.

—Pre tara sa bahay, aya niya sa akin. Pigil niya ang tiyang nananakit sa kangina pa walang tigil na paghagikgik.

Pagpasok ng pinto, inabot ko sa kanya ang dos syentos na bigay ni Ompong, pinagkubaan sa paghuhugas ng bus sa terminal ng Baliwag Transit. Tangina, maghapong pinagpaguran, ipambibili lang ng droga. Yan ang tunay na Pinoy, walang pakialam sa kinabukasan!
Ngayon, putangina nagsawa na ang etits kong naninigas, sa kakikiskis sa salawal kong kupas, wala pa rin ang ungas.

Ang sabi ng putangina, sandali lang daw siya. Tinangay ang dalawandaan ko at lumipad palabas ng bahay, iniwan ako sa piling ng miserable niyang pamilya. Mag-iisang oras na, di pa rin bumabalik. Akala mo sobrang layo ng binilhan, eh diyan lang sa katabing bahay iyon. Puwede ngang ako na ang pumunta kaso nakakatakot dahil di ako kilala. Baka ma-binggo ako nang wala sa oras.

Sa sala, kinakagat ang puwet ng sanlibong surot, nakaupo sa gula-gulanit na sopa kaharap ang payatot na babaeng mukhang bakla, nakalawit ang isang yayat na suso, nakasubo ang maitim na utong sa bunganga ng gusgusing sanggol na walang salawal at tadtad ng sugat at langib na natutuklap ang ulong baku-bako.

Biglang bumukas ang pinto at humahangos na pumasok si Olsen. Para kong nabunutan ng tinik.

—Pre, panalo ba, tanong ko.

Tinulak niya akong paupo sa suruting sopa. Nagulat ako.

—Tangina mo, nandoon si Fernandez!

Di ko siya maintindihan. Tinutukan niya ko ng baril.

—Sinet-ap mo ko hayup ka!

Tinutok niya sa sentido ko ang hawak niyang baril.

—Pre bakit? Ano’ng set-ap ang sinasabi mo? Wala akong alam diyan.
—Eh tangina ka, pagdating ko doon, nandoon si Fernandez. At Alam niyang papunta ako roon. Muntik na kong madampot walanghiya ka.
—Teka, teka! Wala akong alam diyan, Olsen.
—Tangina eh bakit nandoon si Fernandez?
—Sino yon? Di ko nga kilala iyon eh.
—Putangina ka, bata, namumuro ka na sa akin. Gusto mong patayin kita? Ha?
—Sandali, Olsen naman. Pare, walang ganyanan. Di sa akin yung perang iyon, tol. Wag mo naman akong istapahin.

Hinampas niya sa ulo ko ang baril.

—Tangina mo, Dugyot. Di ko alam kung kanino kang parak nakasuso, pero aalamin ko. Tangina mo papatayin kita kapag tinuro mo ko.
—Pre, di ako pakawala ninuman. Tangina ang tagal-tagal ko nang umiiskor dito, ngayon mo pa ko pagdududahan. Wala namang ganyanan, pre.

Ibinaba niya ang baril. May dugong tumatagas mula sa noo ko, tama ng bakal.

—Pasensya ka na, pare. Pati ikaw napagdudahan ko. Muntik na kasi kong madampot eh.

Tangina mo. Laos na yang palusot na yan. Tangina siguro nagamit mo yung item ano? Ha? Putangina ka magsabi ka nang totoo.

—Ano ba nangyari, Olsen, tanong ko, habang iniisip kung ano’ng paliwanag ang gagawin ko kay Ompong mamaya para di ako magulpi.

Parang nakikinikinita ko na ang mukha ni Ompong, unti-unting sumisimangot, unti-unting namumula. Parang kamatis na unti-unting nahihinog. Tapos sumasambulat ng galit. Pasensya na ang maaabutan ng suntok. Pasensya na ang mahahagip ng mga namumutok na mga brasong sinanay sa pagpapaligo ng pampasaherong bus.

Ito ang mga iniisip ko habang naglalakd ako pabalik ng bahay nina Ompong.

Pre pagdating ko roon, binigay ko yung pera.

Putangina, binigay mo. tapos…

Sabay pagtingin ko sa pinto, nandoon si Fernandez.

Tapos…

Tumalon ako sa bintana. Pinaputukan ako. sayang, di ko na nakuha yung item, di pa naibalik yung pera.

Eh putangina ka, lumang tugtugin na iyan. Tangina buti sana kung mayayaman ang ine-estapa ninyo. Putangina mga tulad n’yo ring mahihirap. Nagkataon lang na kayo yung nagtitinda ng bisyo. At kami yung bumibili.

Santong mangingiyot. Sinawimpalad na buhay sa mundong doble-kara. Wala ka na talagang mapapagkatiwalaan sa panahong ito.
Lakad. Isip. Lakad. Isip. Saan ako kukuha ng perang pang-abono sa pera ni Ompong?

Tingin sa langit. Minsan, kapag may mabigat na iniisip, nakakatulong ang pagtingin sa langit. Parang anumang minuto, babagsak sa harap mo ang solusyon, ang sagot sa lahat ng problema mo. Pero dito sa looban mahirap silipin ang langit sa kabila ng patong-patong na mga yero’t karton na siyang bumubuo ng mga kabahayan, silungan ng mga taong tulad ko ring maya’t-maya tumitingin sa langit.

—Pogi!

Lingon agad, pag may bading na dumaan. Lalo na kung matanda at puro tiyan. Atsaka, napakapaldong tingnan…

—Hi, pogi.
—Hi, tita.

Sa bungad ng looban, sa pagitan ng kabihasnan at karalitaan, sa lugar kung saan kusang naiipon ang mga basura ng magkabilang panig, ngumiti sa akin ang pag-asa. Isang matandang bading na masama ang tingin.

—Pogi, pasok ka, aya niya sa akin.

Pumasok ako sa beauty parlor. Walang kostumer ang bading. May isang binatilyong lasing na nakahiga sa isang bangkong mahaba. May bahid ng suka ang manggas ng kamisetang may nakatatak na Duran Duran. Nakalaylay sa magkabilang tagiliran ang mga kamay, payapang nakahimlay sa sahig.

Iisa lang ang laman ng kukote ko kung bakit ako pumasok sa parlor ng bading.

—Papa-chupa ako, tatlong daan, sabi ko sa bading.
—Ang mahal naman, bakit, ginto ba iyang talong mo? tanong ng bading.
—Hindi pero mahaba at mataba. Ano, gusto mo?
—Dos siyentos, tawad niya.
—Dos siyentos singkwenta, sambit ko.
—Sige.

Isinara niya ang mga bintana, isinara ang pinto. Narinig ko ang kantyawan ng mga istambay sa labas, tipong nakahalata sa balak naming gawin ng bading.

Pinaupo ako ng bading sa upuang gamit ng mga kostumer na nagpapagupit. Doon, tatlong beses kumawala sa akin ang kaluluwa ko, kapalit ng malulutong na perang papel na nagkakahalaga ng dos siyentos singkwenta. Pagkaabot sa akin ng pera, lumabas ako ng parlor, naglakad papalayo. Pinalampas ko sa kabilang tenga ang mga kantyaw ng mga istambay sa labas ng beauty parlor.
Lakad. Habang papalapit ako sa bahay nina Ompong, kinakabahan ako. tangina wala akong dalang droga. Kahit ibalik ko ang pera kay Ompong, kahit kumita ako ng singkwenta pesos, di pa rin sulit iyon para sa suntok na aabutin ko kay Ompong.

Buwelta.

Walang ibang dapat gawin kundi maghanap ng ibang mabibilhan. Balik ako sa lugar nina Olsen. Mabuti na lang, wala siya sa bungad, naispatan ako ng isang runner. Kahit labag sa loob ko dahil di ko kilala, kinindatan ko. Lumapit sa akin at iniabot ko ang lahat ng pera sa bulsa ko.

—Dos bato, singkwenta chongki, sambit ko.

Tumango ang runner. Pinaghintay ako sa tapat ng isang bahay. Maya-maya, narito na ang pinatakbo ko, inaot sa akin ang isang maliit na balutang diyaryo. Binulatlat ko, may lamang chongki, halagang singkwenta pesos.

—Lagkitan, bulong niya.

Pagkuwa’y Inabot niya sa akin ang malitt na pakete ng bato, halagang dalawandaan. Ibinulsa ko ang mga nabili ko. Nagtanguan kami ng runner at humakbang na ako palayo.

Sa may bungad, nakita ko si Olsen, may kausap na lasing na barangay tanod. Tuloy-tuloy ang lakad ko. Tumingin sila sa direksyon ko. Tinuro ni Olsen ang daliri niya sa direksyon ko. Napalingon sa akin ang tanod. Kinalas nito ang kawit sa holster ng baril at hinugot ang makintab na baril. Ititutok ang baril sa direksyon ko. At nilaslas ng putok ang maralitang gabi.



~norman wilwayco

11 comments:

  1. Anonymous8:53 AM

    astig!

    ReplyDelete
  2. Anonymous8:54 AM

    astig!

    ReplyDelete
  3. saan po ba makakabili ng nobela nyo?? may posibilidad na mailabas yung digital movie nito??
    maraming salamat sir.

    ReplyDelete
  4. Anonymous9:00 PM

    ang galeng, galeng. ikaw pala yung parati kong nakikita sa GMA. sabi ko parang kamukha ni nw yun ah, at parati ring may tangan na yosi, haha. tas confirmed nung nakasabay kita sa elevator tas sabi nung kasama mo, "bye, norman!" hahaha. idol! sulat ka pa.

    ReplyDelete
  5. Anonymous5:35 PM

    saan mabibili ang mondomanila book nyo, ser? tangina wala naman sa nationalbookstore saka powerbooks! paksyte kailangang magkaroon ako ng kopya ! san kaya makabili?

    ReplyDelete
  6. Saan makikita ang mga mambabasa ng Mondomanila? Hindi mo sila makikita sa mga bookstores/library/at iba pang mga "seryosong" institusyon. Ang mga mambabasa ng Mondomanila matatagpuan sa mga bar, umiinom, pot-session, bolahan, bangayan, matatagpuan mo sa kalye, sa kanto, sa labas ng paaralan. Doon mo hanapin ang libro baka sakaling makakita ka ng lumang kopya. Hangga't wala kang nakikitang grupong umiinom/pot session sa loob ng national o powerbooks, wala kang makikitang mondomanila doon.

    In short, subukan mo sa mga sumusunod na establishments: Conspiracy Bar, Mag:Net Cafe, Freedom Bar, Sarabia Optical, Datelines, Cubao X, Saguijo Bar, etc.

    ReplyDelete
  7. Anonymous9:39 PM

    ako meron akong kopya bilhin nyo 500 wehehe punta kayo sa magnet greenbelt 3 dun ko nabili yung kopya ko.

    norman dabest to. dinudugtong ko sa libro.

    tambay ka rin pala ng conspiracy at magnet at saguijo taena malamang nagkita na tayo. baka pati sa barbecuehan sa poswan. di lang magkakilala sa mukha. penge yosi.

    --jobarclix

    ReplyDelete
  8. Anonymous6:32 AM

    Sino ang nagimprenta ng mga aklat na Responde at Mondomanila?
    tumatanggap pa sila ng mga baguhang manunulat?

    ReplyDelete
  9. Anonymous6:34 AM

    ginoong wilwayco, maari ko bang kontakin ang iyong publisher? ako ay baguhang manunulat.

    ReplyDelete
  10. Anonymous9:30 PM

    Automatic Writings ang nag-imprenta ng Mondomanila. wala pa daw silang plano ngayon magpublish ng ibang libro. si Khavn dela Cruz may-ari noon kung kilala mo siya. Responde naman Pinoy Xpress ang publisher ko. Gerilya is self-published. kung trip mo yung masusunod talaga gusto mo, i suggest self-publish mo na lang. ikaw mismo. mas astig yun dre, new school.

    ReplyDelete
  11. Anonymous11:59 PM

    Sambahin!!

    ----PLoKs

    ReplyDelete

Translate this shit